|
|
|
PAG-AASINTA SA BULL'S EYE By Manny Pacquiao PhilBoxing.com Sun, 09 Nov 2008 LOS ANGELES ? Magandang araw po ulit sa inyong lahat, mga ginigiliw kong tagasubaybay ng kolum na ito. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan gaya ng inyong abang lingkod. Handang-handa na ako sa laban at paganda na nang paganda ang aking kondisyon halos isang buwan na lang ang nalalabi bago kami tuluyang magbanggaan ni Oscar Dela Hoya sa ibabaw ng ring sa MGM Grand Arena sa Las Vegas. Ang tinaguriang "Dream Match" na aming wawakasan sa Disyembre 6 ni Dela Hoya ay magiging isa sa pinakamalaki at pinakamagandang laban ng taon sa larangan ng boksing dahil lubos naming gustong manalo at magtapos ang laban na ang resulta ay magiging isa sa mga tatalakayin at pag-uusapang laban sa mahabang panahon. Kaya naman, wala akong pinalalampas na bagay sa paghahanda ko. Lahat ng mga sangkap upang magwawagi tayo sa laban na ito ay aking ginagawang lahat, kasama na riyan iyong pagbubuhos ng buo kong lakas sa training. Kaya naman, pagkatapos ng isang matinding araw sa gym, kadalasan ay umuuwi kami agad sa aking apartment at nagagawa naming maglibang at mag-relax upang mapawi ang pagod. Bukod sa pag-gitara, paglalaro ng chess, pagkanta sa karaoke at marami pang ibang pinagkakaabalahan, ako ngayon ay nalilibang sa paglalaro ng darts. Hindi pa gaanong matagal mula nang mag-umpisa akong maglaro ng sport na ito at masasabi kong malaki na ang aking ipinagbago. At maganda ang resulta ng aking paglalaro dahil nakikita ng aking mga kasambahay ang malaking pag-improve ng aking game. Maganda ang darts dahil itinuturo ng sport na ito ang kapangyarihan ng ating utak at pag-iisip at ang pagkunekta nito sa ating pangangatawan. Kapag magaling ka na sa larong darts, kung ano ang iisipin mong gusto mong patamaan, kadalasan ay tinatamaan mo. Kadalasan ngayon, medyo malaki na ang bahagdan ng aking pagiging asintado at kinagigiliwan ko ito. Parang sa boksing din, itinuturing kong bull's eye si Dela Hoya at doon ako naka-focus ngayon. Alam kong mahirap patamaan ang bull's eye pero dahil na rin sa aking pagsisikap at pagtitiyaga, sa tingin ko, hindi mahirap na matatamaan ko ito ng hindi lang isang beses. Sana, kapag natamaan na natin ang bull's eye, tayong lahat ay magsasaya at sasayaw sa mga kalye ng bawat sulok ng bansa. Sa Disyembre rin, pagkatapos ng aking laban, ako ay magpapa-tournament ng darts sa Pilipinas at gusto kong maging malaki ito at sasalihan ng lahat ng mga magagaling na darters ng Pilipinas at ng iba pang bansa. Magbibigay ako ng P2 Million na prize fund at sa ngayon, marami nang mga tao ang nagpahiwatig ng kanilang interes sa pagsali rito. Sana po ay tuluyan ninyo pa rin akong suportahan sa lahat ng bagay, para lahat tayo ay makatama sa ating mga pansariling mga bull's eye sa ating mga buhay. Hanggang sa muling Kumbinasyon. God Bless Us All. * * * This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here to view a list of other articles written by Manny Pacquiao. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |