|
|
|
SALA SA INIT … SALA SA LAMIG: Bakit kailangang lumaban muli si Manny Pacquiao? By Eddie Alinea PhilBoxing.com Fri, 22 Jul 2022 Noong pasimula ng kasalukuyang taon ilang buwan matapos na ipahaayag ng maalamat na si Manny Pacquiao na tatapusin na niya ang kanyang makasaysayang 27 taong karera sa boksing, ang Pilipinas ay may limang pandaigdig na kampeon para kilalaning isa sa iilang bansa sa mundo na may ganoong karaming hari sa iba’t-ibang dibisyon ng sweet science. Nandoon si Mark Magsayo na hawak ang korona sa feafherweight ng World Boxing Council; Jerwin Ancajas, International Boxing Federation super-flyweight; John Riel Casimero, World Boxing Organization bantamweight; Nonito Donaire. WBC bantamweight; at Rene Mark Cuarto, IBF minimumweight. Isa-isa ang mga kampeong Pilipinong ito ay napaalis sa kani-kanilang trono, hangang sa ngayon, nasa kalagitnaan pa lamang ng taong 2022, ay wala na tayong maipagmamalaking kababayang naghahawak ng titulo. Pebrero pa lamang, hindi inaasahang natalo si Ancajas ni Argentine Fernando Martinez, habang noong Mayo, ang kontrobersiyal na si Casimero ay nahubaran ng kanyang korona sa dahilang walang ni katiting na kaugnayan sa boksing. Isang buwan ang nakalipas noong Hunyo, si Donaire naman ang nasipa sa tronong kanyang kinauupuan matapos gulpihin ng Hapong si Naoya Inoue sa kanyang mismong bakuran sa Saitama, Japan. Isang linggo bago matapos ang paghahari ni Magsayo sa kanyang dibisyon, nagdusa si Cuarto sa isang kaduda-dudang desisyon sa Mexico. At ang kahuli-hulihang Pinoy na nakatayo para ipagtanggol ang anumang naiiwang karangalan sa bansa, si Magsayo, ay bigo rin sa isang split decision laban sa Mehikanong si Rey Vargas sa Alamodome sa San Antonio, Texas, tahanan ng tanyag na Spurs sa US NBA. Eh sino nga ba naman ang makakaisip na hindi pa natatapos ang taon ay wala nang maipagmamalaking kampeon ang Pilipinas sa sport na pinakamamahal ng mga Pilipino maliban sa basketball? Malungkot, di po ba? Lalo’t kung iisiping noong nakaraang buwan ng Hunyo lamang ay nakahulagpos din sa mga kamay ng mga Pilipinong basketbolista ang titulo sa Southeastg Asian Games na naagaw ng Indonesia na sa pangalawang pagkakaton lamang ay nanalo sa atin sa entabladong pang-internasyonal. At nitong nnakaraang linggo pa lamang ay natalo ng Japan, sa unang pagkakataon, ang Team Pilipinas, at pigilan ang huli na makapasok sa quarterfinal round sa ginaganap na third window ng Asia Cup qualifier. Hindi si Pacquiao, ang kaisa-isang nilalang sa ibabaw ng daigdig na ito na humawak ng 12 kampeonato sa walong dibisyon ng boksing, isang rekord na walang umaasang mababasag ng sinumang boksingero saan mang bansa nanggaling hanggang sa matapos ang milenyong ito. Sa mga nakakakilala nga kay Manny, isa ito sa mga pangunahing dahilan upang, sa ika-apat na pagkakataon, ay magpahayag siyang aakyat muli sa ibabaw ng parisukat na lona hindi lamang para sa pera, karangalan at popularidad at lahat ng bagay na mayroon na siya kundi para makatulong na ibangon ang boksing sa kinarapaan nito. Siya lamang, si Sen. Manny, ang makagagawa nito! Babalik ang ating si Manny sa boksing sa Disyembre. Tiyak na ito at bagama’t sa isang labang eksibisyon lamang ang kanyang haharapin, sasala ang sandok sa palayok, pero hindi ang ganap na pagbabalik niya as ring. Depende sa mga magyayari sa darating niyang labang magsi-silbing pagsubok sa iniisip niyang plano para mahango ang Philippine boxing sa balong kinasasadlakan nito sa kasalukuyan. Click here to view a list of other articles written by Eddie Alinea. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |