|
|
|
SALA SA INIT … SALA SA LAMIG: EJ Obiena, isang responsableng Pilipino By Eddie Alinea PhilBoxing.com Sun, 20 Mar 2022 EJ Obiena. Sa nakaraang ilang linggo, ipinamalas ni Asian pole vault king Ernest John Obiena kung ano ang nagawa sa kanya ng sports para maging isang responsableng miyembro ng lipunan. Ilang araw matapos makamit ang silver medal sa Perche Elite Tour sa Rouen, France at makatalon sa taas na season-best 5.91 metro at ilang araw din makaraang simulan ng Russia ang pagsakop sa Ukraine, nagpahayag ang 26 anyos na si Obiena ng pakikiramay sa maliit na bansang dating sakop ng USSR. Nitong weekend lamang, nagpakita muli ang may ranggong panglima sa daigdig sa kanyang event ng kahinugan ng pag-iisip nang batiin niya ang kababayang Fil-Am na si Kristrina Knott sa partisipasyon nito sa World Indoor Track and Field championships sa Belgrade, Serbia. Si Obiena na popular din sa tawag na EJ, ay dapat sanang kasama ni Knott sa Team Philippine subalit tinanggihan siyang irekomenda ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) sa kabila ng isa siya sa mga inaasahang mananalo ng medalya dala ng kanyang mataas na world ranking. Si EJ ay paborito ring madomina ang pole vault at mapanatili ang gintong medalya sa dalampasigang ito pagdating sa Hanoi SEA Games. Ang problema nga lamang ay, hanggang sa araw na ito, hindi pa matiyak kung papayagan siyang makalahok sa kompetisyon sa athletics para maipangtanggol ang koronang ipinanalo niya noong 2019 sa Pilipinas. Si Philippine OIlympic Committee president, Cavite Congressmasn Abraham “Bambol” Tolentino, at ang apat-kataong pambansang delegasyong nagsisikap na mapasama siya bilang opisyal na miyembro ng koponan ay kasalukuyan pang nasa Hanoi sa pag-asang mabigyan si EJ ng pahintulot na makasali. "I am proud to call Kristina a teammate and friend and I want to thank her for making our nation proud. SEA Games are next and I am sure Kristina shall defend her gold medals in Hanoi!," wika ni EJ sa kanyang mensaheng pinadaan sa social media. “My heart and thoughts are with you,” anang mensahe ni EJ sa mga taga-Ukraine na sinulat niya sa kanyang Facebook post na nilakipan niya ng emoji ng bandila ng nasabing bansa. “Silence never helped the oppressed or the abused… Stay strong, Ukraine!” bilin ni EJ sa mga kababayan ng kanyang matagal nang coach na si Vitaly Petrov. Samantala, ang kambal na nakakataba ng pusong nagawa ni EJ ay nagbunsod sa kanyang ama at personal coach na si Emerson Obiena, dati ring pole vaulter, na magpahayag ng pag-asang ito ay magsilbing “motivation for track and field athletes in the years to come.” Sa gitna ng mga kaganapang ito, “EJ is nothing short of a perfect role model for those who want to achieve the same. "Gusto ko sana maging inspirasyon [si EJ] para doon sa mga batang nagsisimula pa lang dito sa larangan ng sport na ito,” ani Emerson. “Hopefully, maging modelo nila si Ernest and mag-strive sila na someday maging katulad niya," pahayag ng nakatatandang Obiena sa Philippine Sportswriters Association Awards Night na idinaos sa Diamond Hotel noong Lunes. Tunay na ang tagumpay na tinatamasa ni EJ ngayon sa gitna ng gusot niya sa PATAFA ay nagsisilbing liwanag at gabay sa mga batang atletang nagtatangkang tularan ang kanyang mga nagawa. "'Di natin na-imagine na aabot sa ganitong level ang isang katulad ni EJ. Tingin ko, nung time na yun, especially sa track and field, hindi natin nakikita na pwede tayong dark horse. Pero ngayon nandidito na," paliwanag ng kabiyak ni Jeanette na isa ring coach at dating hurdler. "So, it is possible and hopefully sana, yung mga kabataan natin ngayon makita nila na may kakayahan din pala ang mga Pilipino para maging excellent sa sport na ito,” dugtong niya. At higit sa lahat, ang mga kabayanihang ipinamamalas ni EJ at ng mga medalista sa nakaraang Tokyo Olympics kung saan ang weightlifter na si Hidilyn Diaz ay pinutol ang 97 taong pagkauhaw ng Pilipinas at mga Pilipino sa gintong medalya. Na tinampukan din ng silver medal ng mga boksingerong sina Nesthy Petecio at Carlo Paalam at bronze ni Eumir Marcial, ay nagsisilbing testamento ng malawak na papel na ginagampanan ng sport para ang bansang Pilipinas ay makapagtayo, hindi lamang isang malusog at malakas na pamayanan, kundi ng matalino at responsableng miyembro ng lipunan alinsunod sa iniaatas ng Saligang Batas. Click here to view a list of other articles written by Eddie Alinea. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |