|
|
|
Alamat Ni Manny Pacquiao (Ika-25 Na Bahagi): Ayaw lumaban ni Floyd, so what? --Pacquiao By Eddie Alinea PhilBoxing.com Mon, 26 Apr 2021 Pacquiao vs Rios (Kuha ni WENDELL ALINEA/OSMP). Para sa karamihan, ang pagsikat ng bituin ni Manny Pacquiao bilang isang boksingero ay maituturing na isang kababalaghan. Dito sa Pilipinas, si Pacquiao ay lumaki na bilang isang kababalaghan sa lipunan. Tuwing may laban saan mang dako ng daigdig, ang mga ito ay isinasahimpapawid ng lahat ng network ng telebisyon, istasyon ng radyo at lumalabas sa lahat ng pahayagan kinabukasan. Dito sa bansang kilala sa pagiging katoliko, ang lahat ng simbahan ay wala halos tao sa dahilang lahat ng Pilipino ay nakatutok ang mga mata sa kanilang telebisyon, nakikinig sa radyo at nagbabasa ng dyaryo. Lahat ng lansangan ay wala halos nagdadaan. Ang mga inuman na karaniwang napupuno kung gabi ay nakabukas umaga pa lamang, puno ng taong nanonood ng laban sa telebisyion. Siksikan din ang mga sinehan, plasa, stadium at mga lugar na ang LGUs ay naglalagay ng TV set para mabigyan ang lahat ng pagkakataong makita ang kanilang kababayang manalo o matalo. At magsaya kapag nagwagi at umiyak kasabay ng kanilang idolo kapag nabigo. Sa Amerika, kung saan lahat halos ng laban ni Manny ay naganap, ginaganap at gaganapin pa, puno rin ang lahat ng palaruan mula noong wasakin ni Manny ang boxing career ng Aprikanong si Lehlo Ledwaba noong Hunyo 23, 2001, at makamit ang korona ng IBF super-bantamweight sa pamamagitan ng pagpapasuko (TKO) sa loob lamang ng anim na round. Ang 122-librang kampeonato ay pangalawa sa walong nakatadhanang maagaw ng ipinagmamalaki ng Lahing Kayumanggi matapos na nakawin din ang sinturon ng WBC flyweight kay Chatchai Sasakul ng Thailand na walong round lamang ang itinagal nang nakatayo sa ring bago mahimbing noong Disyembre 14, 1998. Sa murang gulang na 23 at anim na buwan pa lamang sa propesyon ng sweet science, hindi tumigil ang ating bayani sa pagiging dalawang dibisyong pinaghaharian. Marami pang bundok ang posibleng akyatin at anim na dibisyon pa ang naghihintay na angkinin. At makalipas lamang ang siyam na taon noong Nobiyembre 13, 2010, ginulpi ng ating si Manny si Antonio Margarito ng Mehiko at Amerika sa loob ng 12 round na sagupaan para sa bakanteng WBC super-welterweight (light-middleweight) na titulo. Halos bulag si Margaraito matapos ang pagtutuos at ilang taon pa laang ang nakalilipas ay nag-retiro na. Bago yun, gulpi rin ang inabot ng gold medalist ng 1992 Barcelona Olympic Games na si Oscar De La Hoya sa unang laban ni Manny bilang welterweight at ng Puertorikanong si Miguel Cotto, kung kanino niya nabingwit ang 147-librang kampeonato. Bago pa rin dumating ang komprontasyon niya kay Cotto, hiniya muna niya si Englisman Ricky Hatton na pinatulog ni Manny nang nanginginig and dalawang paa makaraan lamang ang dalawang round noong Mayo 2, 2009 at maibulsa ang kampeonato ng IBO/RING junior welterweight. Kinumpleto ng dating konrgresista at ngayon ay senador nang si Pacquiao ang kanyang mahaba at matinik na paglalakbay para maging kaisa-isang hari ng walong dibisyon sa kasaysayan ng boksing matapos supilin si Cotto, Margarito at Hatton, ayon sa pagkakasunod, at sabi nga ng marami, wala na siyang dapat hilingin pa. Kabilang dito ang RING featherweight na inagaw niya kay Marco Antonio Barrera (TKO 11 round), WBC super-feather kay Juan Manuel Marquez (UD 12round) at WBC lightweight kay David Diaz (TKO 9 round) dahilan para makalimutan na niyaang pinanabikan ng maraming harapin niya ang wala pang talong Amerikanong si Floyd Mayweather Jr. “Alam mo, Pare, mukha ngang ayaw lumaban ni Floyd. Mas interesado siyan pangalagaan ang sero sa kanyang resume kesa dulutan ng kasiyahan ang fans ng boksing,” nasabi minsan ni Manny sa reporter na ito, pagkatapos niyang talunin si Margarito. “Para sa akin, sementado na ang pamanang maiiwan ko sa sport ng boksing kung magre-retiro ako, so laban na lang nang laban para bigyan ng kaligayahan ang fans. Si Mayweather? Darating ang labang yan kung talagang ukol. Pero hindi ako magpapakamatay na habulin siya nang habulin,” pangangatuwiran ni Manny. At ganoon nga ang nangyari. Nagpatuloy sa kanyang paglalakbay ang idolo ng buong mundo na bukod sa paglaban sa Estados Unidos ay nakarating hanggang Macau, China para lumaban ng dalawang beses doon at makapagpasaya sa fans sa dakong iyon ng daigding, kasama ang mga Pilipinong di maka-biyahe tungong Amerika para makita ang kanilang bayaning lumaban doon. Dalawa sa mga sumunod na laban ni Manny matapos ang isang taong pagkabigo niya kina Timothy Bradley at Juan Manuel Marquez noong 2012 ay idinaos sa Lunsod ng bisyong iyon ng China laban kay Brandon Rios at Chris Algieri na kapuwa niya nilupig sa nagkakaisang hatol. (May Karugtong) Click here to translate this article to other languages via Google. Click here to view a list of other articles written by Eddie Alinea. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |