|
|
|
Inspirado Ako By Manny Pacquiao PhilBoxing.com Sun, 08 Mar 2009 LOS ANGELES ? Magandang araw po ulit sa inyong lahat, lahat kayong mga inspirasyon ko. Gusto ko pa ring balikan at dugtungan iyong huling kolum ko noong Huwebes tungkol sa aking experience sa England. Matapos ang aming promotional tour sa teritoryo ni Ricky Hatton, lalo akong nakumbinsi na mas matindi na ngayon ang pagkakaisa ng lahat ng Pilipino at lalong lumalabas ang pagiging makabayan nating lahat. Uuulitin ko pa ang taos-puso kong pagpapasalamat sa inyong lahat, lalung-lalo na sa mga dumalo sa aming media tour. Talaga naman hindi ko inaasahan ang pagdagsa at pagdating ng mga kababayan ko sa England. Maging sa Manchester o London man, dinumog ng mga tao ang press tour na nagsisilbing imbitasyon para sa laban namin ni Hatton sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada sa May 2. Noong una, noong nagsisimula pa lang akong maging isang boksingero, hindi ko lubos maisip na ganito ang magiging epekto ng aking tagumpay sa ibabaw ng ring. Noong nagsisimula pa lang ako, ang tanging nasa isip ko ay ang manalo nang manalo upang maitawid ko sa kahirapan ang aking pamilya at upang maitaguyod ko ang lahat ng aking mga kamag-anak. Opo, talaga namang kakaiba na ang aking pananaw sa pag-eensayo at paghahanda sa sarili sa lahat ng aking mga laban dahil hindi lamang buhay ko ang nakataya na rito kundi ang hinaing, pag-asa at mga dasal ng isang bansa na matagal nang nagkawatak-watak dahil sa maraming paniniwala, mga magkakaibang politikal na pananaw, at mga magkakaaway na idolohiya. Kung minsan nga, kahit iyong magkakaibang relihiyon ang pinagmumulan ng away. Ngunit dahil sa nagsimula akong manalo at maging tanyag sa buong mundo, nakita naman natin ang pagtigil ng putukan, ang pagbaba ng krimen, at sa kabilang dako ay nagsisimula ang panibagong pagmamahalan at pagkakaisa ng mga Pilipino, saan mang dako ng mundo. Sa pagbisita ko sa United Kingdom, noon ko lang nakita ang tindi ng suporta ng mga indibidwal at mga grupo ng Pilipino sa ibang bansa. Kaya naman po, lalo kong pinagbubuti ang training at pagpaparusa sa sarili upang maging mas madali para sa atin ang tagumpay. Hindi naman po ako si Superman at sa unang linggo ng ensayo sa Wild Card gym ni coach Freddie Roach, medyo sumakit ng kaunti ang aking mga kasu-kasuan at katawan, bunga na rin ng pagkabigla sa training. Pero alam ko naman na pansamantala lang itong kirot na nararamdaman ng katawan. Maganda ang simula ng training dahil nagkakaisa ang team sa pagkamit ng mas malaking karangalan. Gutom pa rin ako sa paghahangad ng mas malaking premyo ng boksing dahil na rin sa inyong lahat. Kung wala kayo, wala si Manny Pacquiao. Walang paparis sa sakit ng katawan, pagod at dugo na aking ibubuwis upang maipanalo lang natin itong mga susunod pang laban. Sana, ipagpatuloy pa rin natin ang pagsuporta sa bayan at sa pagtulong sa isa?t-isa. Thank you very much. Hanggang sa Muling Kumbinasyon. God Bless Us All. * * * This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here to view a list of other articles written by Manny Pacquiao. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |