|
|
|
Governors’ Cup Finals: Rambolan ng dalawang batikang coach sa PBA By Eddie Alinea PhilBoxing.com Wed, 06 Apr 2022 Sinimulan kahapon ng Barangay Ginebra Kings at ng Meralco Bolts ang ika-apat na kabanata ng kanilang tunggalian para sa kampeonato ng 2022 PBA Governors’ Cup sa Smart-Araneta Coliseum. Parang pinagtitiyap ng pagkakataon, ang unang dalawang beses na paghaharap ng dalawang koponan ay upang pagpasiyahan kung sino sa kanila ang tatanghaling hari ng torneong ito alay sa Board of Governors ng kaunaunahang liga propesyonal sa basketbol sa bansa. Unang nagsagupa sina coach Tim Cone at Norman Black sa torneong ito noong Season 2016. Sinundan itong muli nilang pagtutuos noong Season 2017-2018 at noong Season 2019. Lahat ng tatlong labang ito ng dalawang dayuhang bench tactician ay pinanalunan ni coach Tim patungo sa kanyang kabuoang siyam na korona sa Governors’ Cup. At kung ang pagbabasehan para masagot ang katanungan kung sino ang liyamado sa dalawa, maliwanag na si coach Tim ang pipiliin ng mga mamumusta sa China Town at maging sa iba pang panig sa Asya, tulad ng Hongkong, kung saan ay popular ang PBA sa mga manunugal. Dadalawang Governors’ Cup pa lamang ang nai-uwi ni coach Norman bagamat siya ang nag-a-ari ng karangalang kauna-unahang benchman na nanalo nito noong bininyagan ang paligsahan noong 1993 nang siya pa ang humahawak ng San Miguel Beermen ng RSA (Ramon S. Ang) Group. Tinalo noon ng SMB ang Swift ni coach Yeng Guiao, 4-1 sa kanilang best-of seven series para sa kampeonato. Kampeon din sa Governors’ Cup si coach Norman noong 2001 kung kailan ay pinangunahann niyang tagumpay ng Sta. Lucia Realtors laban sa Beermen. Matapos ang 1993 inaugural ng torneo, apat na sunod na namayagpag si coach Tim sa Governors’ Cup – 1994 hanggang 1997. Naging abala si coach Tim sa pangungulekta ng iba pang PBA Conference title sa sumunod na limang season hanggang sa lumipat siya sa prangkisa ng Purefoods kung saan ay humakot na naman siya ng apat na tropeo dala ang bandila ng SanMig Coffee, kabilang ang isa pang pares ng Governor’s Cup mula Season 2012 hanggang 2014. Sa kampeonatong ito ng Governors’ Cup, versus Meralco, si coach Tim ay pakay ang kanyang kabuuang 24 titulo para palakasin pang kanyang hawak sa pagiging pinakamarami sa isang coach. Hangad naman ni coach Norman ang kanyang ika-12 korona sa PBA, pangatlo sa likod ni coach Tim at ng maalamat na si coach Baby Dalupan ng Crispa, Great Taste at Purefoods. Click here to view a list of other articles written by Eddie Alinea. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |