|
|
|
SALA SA INIT ... SALA SA LAMIG: Pancho Villa: Kauna-unahang Pilipinong kampeong pandaigdig sa boksing By Eddie Alinea PhilBoxing.com Thu, 23 Jun 2022 Siyamnapu at siyam na taon ang nakalipas nitong buwang ito, ang Pilipinong si Pancho Villa ay naging kaunaunahang boksingero mula sa dalampasigang ito at maging sa Asya, na tanghaling kampeong pandaigdig sa sport na pinili niyang maging propesyon. Noong ika 18 ng Hunyo, taong 1923 nang ang noon ay 22 anyos na si Villa, Francisco Guilledo sa tunay na buhay at anak ng isang vanquero (manggagawa sa isang asyenda) at inang iniwan ng asawa, ay pinatulog ng mahimbing si Jimmy Wilde ng Wales sa pitong round para iuwi ang pandaigdig na korona sa flyweight (112 librang dibisyon) at isulat ang kanyang pangalan sa Hall of Fame ng Boksing 36 taon matapos siyang pumanaw. Sa pagtatapos ng nakaraang milenio, pinangaralan si Villa ng isang grupo ng international media bilang "Best Flyweight” ng nakaraang 100 taon bilang pagkilala sa kanyang dakilang nagawa bukod sa paglalagay ng Pilipinas at ng salitang Pilipino sa mapa ng pangaigdigang palakasan. Punong-puno ng manonood ang popular na Polo Grounds sa New York ng 23,000 tagasunod ng boksing, karamihan sa kanila ay mga Pilipino na nagbayad ng $94, itinuring noon na isa sa pinaka-malaki, para mamamalas kung paano iginuhit ng isang may kaliitang Pilipino ang kasaysayan. Dinomina ni Pancho ang kulang kalahating oras na pagtutuos sa pamamagitan ng malalakas at mabibilis na kaliwa’t kanang kombinasyon na nagpabagsak sa Welshman ng apat na beses sa loob ng napakaigsing panahong iyon at ibulsa ang titulo. Nang si Pancho at ang kanyang mga handler ay umakyat sa ring noong araw ng Lunes na iyon, base sa ulat ng mamahayag na si Manuel Villa-Real para sa TVT chain of newspapers, sigaw na "Viva … Villa" ang pumuno sa mala-heganteng arena. Bagamat niyakap ng mga Amerikano si Villa ay kababayan nila sa dahilang ang Pilipinas noon ay nasa ilalim ng pamahalaang Commonwealth, si Pancho ay itinuring na dehado sa pustahan. Si Villa ay tumimbang ng 110 libra, si Wilde 109, ayon sa report ni Villa-Real, Lolo ng four-time Bowling World Cup champion Paeng Nepomuceno. Bata pa magulang na nagmamay-ari ng simbilis ng kidlat na kaliwang jab at nakamamatay na one-two-attack, naging maingat si Pancho sa pagsisimula ng laban dala ng babalang malakas na kanang suntok ng kalaban. Sa kalagitnaan ng unang round, duguan na ang kanang mata ng nagtatanggol na kampeon dala ng mabibigat ng kanang tinanggap niya mula sa Pilipino bagamat tinangka pa rin ni Wilde na makapagpalitan ng suntok na sa bandang huli ay lumabas na pinaka-malaki niyang pagkakamali. Sarado na ang dumudugong mata ni Wilde pagdating na third round. Bagsak si Wilde sa sumunod na yugto kasabay ng sigawang “ihinto,na ang laban … ihinto na ang laban! ” mula sa mga manonood. Lugmok na muli si Wilde sa ika-limang round kung kailan si Pancho naman mistulang nakikiuusap sa reperi na ihinto na ang laban upang matigil na ang parusang tinatangggap ng kalaban. Tumangging sumuko si Wilde na nagdala kay Pancho na luwagan ang pag-atake. Pagkapuna nito, nilapitan si Pancho ng kanyang manager at foster father na si Francisco "Paquito" Villa matapos ang round at tanungin ang kanyang alaga kung ano na ang nangyayari. Sinagot siya ni Pancho na nang pagtutuos ay nauwi na sa senseless slaughter. "Finish him off then," sagot na pasigaw ng manager. Pagtunog ng kampana hudyat ng pagsisumula ng ika-pitong round, umamba si Pancho na magbibitiw ng kanan na nagbigay daan para itaas ni Wilde ang kanyang depensa. Sanamantala ito ni Pancho na nagpatama ng isang kaliwa sa sikmura, kanan sa panga na nagpa-bagsak muli sa kawawang Weilshman, na kilala sa tawag na "Mighty Atom," na hindi na nakabangon sa limang minutong pagkakahiga sa lona. Tapos na ang laban! At habang tinutulungan ni Pancho ang kanyang biktima patungo sa corner nito, lumapit sa kanya ang isang babaeng asawa pala ni Wilde na nagpasalamat sa kanyang pagka-maginoong ikinilos. Habang ang crowd ay hinandugan ang bagong kampeon ng isang masigabong palakpakan. Dinala si Jimmy ng kanyang mga handler pabalik sa dressing room na halos tulog pa, duguan ang bibig namamagang mukha at saradong mga mata. Ang ulat makalipas ang ilang panahon ay si Wilde ay hindi na nakakitang muli. Click here to view a list of other articles written by Eddie Alinea. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |