|
|
|
Maraming Salamat sa Suporta Ninyo By Manny Pacquiao PhilBoxing.com Thu, 11 Oct 2007 LOS ANGELES -- Siguro po sa oras na binabasa ninyo ang kolum ko, nasa Pilipinas na ako. Kasi dapat talaga sa Friday (sa Manila) pa ako dadating, pero nabago ang schedule, kaya bigla kaming nag-impake para makauwi ng Martes (araw dito). Kaya sa Huwebes po ay magkikita-kita na tayo sa Pilipinas. Nagpasalamat ako sa Panginoon sa ibinigay Niyang lakas at maraming-maraming salamat po uli sa aking mga kababayang sumuporta sa aking laban kay Marco Antonio Barrera. Hindi lang po sa Pilipinas, pati sa ibang bansa, sa Middle East, Saudi, kahit sa Afghanistan, Australia, Texas, Hong Kong at iba pa. Dahil sa suporta ninyo, nagtagumpay akong muli. Ang tagumpay ko ay tagumpay ng ating bansa. *** Sa mga nagtanong kung nahirapan ba raw ako sa laban namin ni MAB. Ang masabi ko lang, nahirapan din ako, kasi may galing pa rin siya. Malakas din. Kaya po nag-ingat ako sa laban. Doon sa mga fans na nagsabing bakit hindi ko ni-knockout si MAB, 'yon po kasing knockout kusa 'yon dumadating sa laban. Sa tulad ni MAB na kalaban, hindi ka puwedeng magkompiyansa, kailangang pag-aralan mong mabuti ang galaw sa ibabaw ng ring. Isang bagay po ang ipinakita ko sa laban namin, hindi tsamba ang panalo ko sa kanya noong 2003. May nagtanong din kung totoo ba raw na nahilo ako nu'ng sinuntok niya ako sa 11th round. Na-groge po ako, kasi nakababa ang aking kaliwang kamay, naduluhan ako. Hindi ko naman po akalain na susuntok pa siya kasi inawat na kami ng referee. 'Yon po ang gulang na sinabi ko bago kami naglaban. Pero kapag po naglalaban na kayo, minsan nakakalimutan na 'yong mga ganu'n. Hindi rin po totoo na sobra ako sa timbang nu'ng weigh-in. Sa unang tapak ko pa lang po sa timbangan, kuha ko na 'yung 130-lbs. "Yun pong nabalita na sobra ako sa timbang bago ang weigh-in, pinapakaba ko lang ang mga kasama ko, pero ang totoo po ay kuha ko na talaga ang timbang. *** Para sa susunod ko pong laban, wala pa akong masabi. Basta hintayin ko lang kung sino ang sunod na Mexicano na hahamon sa akin. Sa pagbalik ko po sa Pilipinas, kalimutan ko muna ang boksing. Tapusin ko po 'yung pelikula kong "Anak ng Kumander." Asikasuhin ko rin po 'yung paboksing ng MP Promotions para sa WBC Convention, pati na 'yong Manny Pacquiao 9-Ball tournament. Busy talaga ako sa pagbalik ko sa Pilipinas. Pero 'wag po kayong mag-aalala, kasi kapag po may schedule akong laban, hindi ko po pabayaan ang insayo ko. Hanggang sa muli kong "Kumbinasyon". Mabuhay! This article is also available at Abante Online. Click here to view a list of other articles written by Manny Pacquiao. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2025 philboxing.com. |