Philippines, 28 Nov 2024
  Home >> News >> Columns >> Eddie Alinea

 


BOXERS

CURRENT CHAMPIONS 

FORMER CHAMPIONS   

RATINGS                       

NEWS           

FORUM        

FIGHT GALLERIES        

RING CARD GIRLS        


 
 
Columns


 

SALA SA INIT, SALA SA LAMIG

By Eddie Alinea


SI MANNY AT ANG LAHING PILIPINO

PhilBoxing.com
Fri, 26 Feb 2016



GENERAL SANTOS CITY -- Noong unang panahon, ang Pilipinas ay kinilala at tinaguriang "Perlas Ng Silangan." At ang Pilipino bilang "Dakilang Lahi." Maganda at puno sa katutubong yaman ang ating bansa. Mababait, mapapakumbaba, masisipag ang ating mga ninuno.

Nagbago at naglaho ang paghangang ito ng buong mundo. Ganoon din ang paggalang, lalo na nga mga dayuhan, sa Lahing Kayumanggi. Nandoon pa rin ang ating kasipagan, ngunit ang katangiang ito ay nauwi sa pamamagitan ng pagiging katulong ng ating mga kababayan.

Ang mga Pilipinong guro ay napipilitang dumayo sa ibang bansa para maging utusan. Ang iba pa nating propesyonal, gaya ng abogado at maging inhinyero ay nagiging hardinero, o tsuper. Maging ang mga Pilipinong doktor na minsan ay kinilalang mga dalubhasa sa kani-kanilang sangay sa panggagamot pumapasok bilang tagapag-alaga na lamang ng mga matatanda at may kapansanan.

Sa madaling salita, mistulang alipin ang pagtingin ng mga mamamayan ng mga bansang kinalalagakan ng ating mga kapos-palad na kababayan. Ang mga babae ay nabibiktima ng panggagahasa. Nabubuntis at nanganganak na walang ama ang nagiging supling. Marami rin ang nasasangkot sa iba't-ibang krimen, nakukulong at nabibitay.

Kapag ang isang Pilipino ay nangibang bansa, sa immigration pa lamang kapag nakitang may hawak na pasaporteng Pilipino, titingnan agad mula ulo hanggang paa at itatanong kung babalik pa sa Pilipinas. Kukutyain at mamaliitin.

Sa pasyalan sa mga pamilihan, ganoon din ang pagtingin ng lahat ng makakasalubong. Maging mga Pilipino na namamalagi na sa bansang pinuntahan, ni hindi ka babatiin, iiwasan ka pa na parang may ketong o sakit na nakahahawa. Halos pandirihan.

Nawala nang lahat ang paggalang, paghanga at mataas na pagkakilala sa atin ng mga taga-ibang bansa.

Pasok si Manny Pacquiao. Isang boksingerong Pilipino na gamit ang lakas ng kanyang kamao, bilis ng kamay at paa, talino sa pakikibaka at dala ang dugong Pilipinong nananalaytay sa kanyang mga ugat na nakagawa ng mga bagay na hindi nagawa ng sinumang nilalang at ng anumang lahi sa kasaysayan ng boksing sa ibabaw ng planetang planetang ito.

Ang makapagwagi ng 10 pang-mundong korona sa walong dibisyon -- WBC Flyweight Champion (112 lbs), IBF Super-Bantamweight Champion (122 lbs), WBC Super-Featherweight Champion (130 lbs), WBC Lightweight Champion (135 lbs), WBO Welterweight Champion (147 lbs), WBC Light- Middleweight Champion (154 lbs),

Idagdag pa ang karangalang natamo bilang IBO Light Welterweight Champion (140 lbs), Ring/Lineal Titles, Lineal Flyweight Champion (112 lbs), Ring Featherweight Champion (126 lbs), Ring Super Featherweight Champion (130 lbs) at Ring Light Welterweight Champion (140 lbs) para ituring ang mambabatas buhat sa lalawigan ng Sarangani na isa sa pinakadakila kung hindi man pinakadakilang mandirigma sa ibabaw ng ring sa balat ng lupa.

Dahil kay Pacman, unti-unting na namang nababalik ang paggalang, paghanga at pamimitagan sa Pilipino ng lahat ng mamamayan sa mundong ibabaw. Ngayon kahit saan ka magpunta at makilala kang Pilipino, imbes na maliitin ka, o tititigan mula ulo hanggang paa gaya noong na, ay babatiin ka ng lahat ng tao, nakangiti at sasabihin: "Oh, Pilipino, Philippines, Manny Pacquiao!"

Napakasarap dinggin! Nakatataba ng puso! Nakakapagmalaki!

Ang nakalulungkot nga lamang ay dito sa sarili nating bansa ay nilalait, kinukutya, minamaliit si Cong Manny kahit na sa mga maliliit na pagkakamali niya.

Kamakailan lamang, sa pagpapahahag niya ng kanyang di pagsang-ayon sa pagpapangasawahan ng dalawang nilalang na pareho ang kasarian ay nakapagbitiw si Manny ng mga katagang hindi nagustuhan ng ilan. Sa kabila na ang binitiwan niyang walit ay base sa pangaral ng Maykapal.Agad ay kinondena siya, halos isumpa ng mga nasaktan.

Binale-wala ang lahat ng nagawa niya para sa bayan at sa Lahing Pilipino.

Tinaguriang mangmang, salat sa pinag-aralan. Isang hamak na boksingerong nakabasa lamang ng ilang linya sa Bibliya ay nangangaral na ng mga bagay na hindi niya naiiintindihan. Masasakit ng katagang mula sa labi ng mga taong ni katiting ay wala pa namng nagawa para sa kabutihan ng bayan. Kahihiyan pa nga, kung tutuusin ang kanilang mga pinag-gaga-gawa.

Isang kumakandidato rin bilang senadoir na tulad ni Cong Manny ang nais na pahintuin ang kanyang kandidatura dahil sa nakatakda siyang lumabang muli as dalhin ang bandilang Pilipino sa darating na Abril.

May isang dayuhang nanonood noong nakaraang ilang araw sa ensayo ni Pacman dito ang lumapit sa kolumnistang ito at nagsabing: "Why, is serving the country already a sin here?

Wala akong naisagot kundi: "Not really, but only to that guy who is seeking his disqualification."

"Only in the Philippines," badyang muli ng dayuhan.



Click here for a complete listing of columns by this author.

Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources.

 



 
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring
Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general.
Please send comments to feedback@philboxing.com


PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya
© 2024 philboxing.com.