|
|
|
Bakbakan Na Naman By Manny Pacquiao PhilBoxing.com Fri, 01 Oct 2010 BAGUIO CITY -- Magandang araw po ulit sa lahat ng mga tagasubaybay ng kolum na ito mula Batanes hanggang Jolo, mula rito sa Summer Capital ng Pilipinas hanggang saan mang sulok ng mundo. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan gaya ng inyong abang lingkod. Habang sinusulat ko ang kolum na ito, naghahanda na kami para simulan ang sparring kontra sa dalawang malalaki at batang sparring partners. Excited na ulit akong mag-spar dahil matagal-tagal na rin ang huli kong sparring sessions. Opo, kamakailan ay bumisita ako sa ospital upang ipakita ang sumasakit kong paa sa aking doctor sa Maynila. Hindi ko na po sana ibabalita ito pero lumabas na rin sa diyaryo kaya gusto ko lang kayong garantiyahang nasa mabuting lagay naman po ang aking katawan. Maganda naman ang mga mitts sessions namin ni coach Freddie Roach at handa na kami para sumabak sa mga pagsubok na dala ng aking sparring partners. Ayon sa kani-kanilang record, ang dalawang boksingerong kasama ni coach Freddie mula pa sa US ay sina light middleweight Michael ?Murder Man? Medina ( 24-2-2, 19 KO?s) at ang wala pang talong welterweight na si Glen Tapia (7-0, 5 KO?s). Parehong matatangkad at mas malalaki sa akin ang dalawang ito gaya ni Antonio Margarito na siya kong makakaharap sa Dallas, Texas sa Nobyembre 13. Inaasahang mas marami raw sa 51,000 katao ang dadagsa sa Cowboys Stadium upang manonood ng aking laban kontra sa kampeon ng Mexico na may halos apat na pulgadang kalamangan sa taas at anim na pulgadang kalamangan sa haba ng kamay. Excited na akong lumaban, habang iniisip ko kung gaano kaingay at kasaya siguro ng mga manonood sa labang ito. Nakataya ang bakanteng WBC super welterweight title at kung maipapanalo natin itong laban na ito, makakamit natin ang ikawalong titulo sa walong magkakaibang weight division. Isa pong Filipino ang may tangan ng record na pitong world championship belts sa pitong magkakaibang weight division kaya naman puspusan ang aking paghahanda sa laban na ito. Alam ko pong mas malaking karangalan na naman ang matatanggap nating lahat kung maipapanalo natin ang labang ito kaya hindi ako magpapabaya sa paghahanda. Kahit na dalawang higante ang kaharap ko bukas, ipapakita ko ang tapang at gilas ng isang Filipinong gerero upang mapaghandaan ang anumang sorpresa na maibibigay ni Margarito sa takdang araw ng aming laban. Upang maging handa tayong lubos sa laban ay kinakailangang magsakripisyo ng matindi sa training. Para sa akin, ang training ang isa sa pinakamahirap na yugto ng paghahanda. Kung mas mahirap ang training, mas malaki ang tsansa na maipapanalo ang laban. Mas malaki ang kumpiyansa natin sa ating sarili at mas mapapadali ang mahirap na pagsubok sa ibabaw ng ring. Sana ay ipagpatuloy pa rin ninyo ang pagsuporta sa akin sampu ng inyong mga panalangin. Malaki ang ipinagpagpapasalamat ko sa inyong lahat sa walang-tigil na suporta kaya naman hindi tayo pinababayaan ng ating Panginoon. Hanggang sa Muling Kumbinasyon. God Bless Us All. * * * This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here to view a list of other articles written by Manny Pacquiao. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |