Philippines, 27 Dec 2024
  Home >> News >> Columns >> Manny Pacquiao

 


BOXERS

CURRENT CHAMPIONS 

FORMER CHAMPIONS   

RATINGS                       

NEWS           

FORUM        

FIGHT GALLERIES        

RING CARD GIRLS        


 
 
Columns


 

"Kumbinasyon"

By Manny Pacquiao


Mahirap Kumain

PhilBoxing.com
Thu, 23 Sep 2010



MANILA --- Mula Batanes hanggang sa Jolo, isang magandang araw ang aking ipinagdarasal para sa inyong lahat. Binabati kong lahat ang aking mga fans, lalung-lalo na sa mga tumatangkilik ng kolum na ito, kasama na rin ang mga masusugid na kasapi ng Pacland at ng PhilBoxing. I hope everything is fine with all of you.

Marahil ay nagtataka kayo sa pamagat ng aking kolum ngayong araw. Pero wala pong pagkakamali sa pamagat na iyan dahil totoo po ito: Mahirap para sa akin ang kumain at panatilihing malaki ng aking katawan.

Para sa mga ibang boxer, kabaliktaran ang ginagawa nila sa ginagawa ko. Karamihan sa mga atleta lalung-lalo na iyong mga nasa martial arts, ay pilit na nagbabawas ng timbang para mas malaki ang bentahe nila sa laban. Mas malaman, mas magaang ang timbang, kadalasan ay mas maganda ang resulta. Sa halip na nagbabawas ako ng timbang ngayon, ako po ay gumagawa ng paraan upang hindi bumaba ang aking timbang.

Natatawa ang mga miyembro ng aking team kapag nakikita nila akong kumakain sa umaga at gabi. Kasama na rin ang mga meryenda. Ngayong panahon ng paghahanda para sa laban, inumpisahan ko na namang kumain ng labis, halos isang bandehadong kanin at ulam ang aking pilit na inuubos sa bawat pagharap sa hapag-kainan.

Opo, isang malaking pinggan ng kanin at sabaw ng tinola, nilaga o isda ay sapat na sa akin sa umaga upang mapanatili ko ang aking timbang sa kalagitnaan ng 150 pounds. Dahil na rin sa puspusan ako kung mag-ensayo, nasusunog kong mabilis ang anumang labis na kinakain ko sa umaga at gabi. Kung hindi ko pipilitin ang aking sarili sa pagkain ng marami, mabilis akong babalik sa 140 pounds o mas magaan pa rito, dahil siguro, ako ay isang natural na lightweight pa rin. Alam kong kaya ko pa ring lumaban sa lightweight division.

Pero para sa aking laban sa Nov. 13 kontra sa light middleweight na si Antonio Margarito, kailangan kong panatilihin ang aking timbang upang hindi lalaki ang kalamangan ng tangkad at laki ng aking kalaban mula sa Mexico.

Minsan at dati pa, noong una akong lumaban sa welterweight division, talagang nagtatalo kami ng aking strength and conditioning coach na si Alex Ariza dahil pinapainom pa niya ako ng maraming supplements at kasama na rin ang mga protein shake na tumutulong sa pagpapanatili ng aking muscle mass. Kasama na rin diyan ang pagtitimpla ng mga juice ng prutas na dinaragdag nina Buboy Fernandez at Nonoy Neri sa aking diet.

Opo, iba ang aking diet at hindi ito pangkaraniwan. Dahil na rin sa medyo maliit ako sa sukat ng isang welterweight, kinakailangan kong mapanatili ang aking bilis. Ito ang isa sa pinakamahirap kong Gawain dahil siguradong malalaki ang aking mga makakatapat sa dibisyong ito. Dahil sa aakyat pa ulit ako sa light middleweight division, lalo kong kinakailangang hindi maging mukhang maliit sa laban.

Lahat ng sakripisyong ito ay aking ginagawa para sa inyong lahat. Sana po ay samahan ninyo ako sa panalangin upang sa huli ay maging matagumpay tayo muli.

Hanggang sa muling Kumbinasyon. God Bless Us All.

* * *

This article is also available at Abante Online.

Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com



Click here for a complete listing of columns by this author.

Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources.

 



 
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring
Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general.
Please send comments to feedback@philboxing.com


PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya
© 2024 philboxing.com.