Philippines, 26 Dec 2024
  Home >> News >> Columns >> Manny Pacquiao

 


BOXERS

CURRENT CHAMPIONS 

FORMER CHAMPIONS   

RATINGS                       

NEWS           

FORUM        

FIGHT GALLERIES        

RING CARD GIRLS        


 
 
Columns


 

"Kumbinasyon"

By Manny Pacquiao


Mapanganib si Clottey

PhilBoxing.com
Thu, 04 Feb 2010



LOS ANGELES --- Magandang araw po sa inyong lahat, kayong mga ginigiliw kong mga fans, kaibigan at tagasubaybay ng kolum na ito. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan gaya ng inyong abang lingkod na ngayon ay nasa kalagitnaan ng pagsasanay para sa isang importanteng laban.

Makakaharap ko ang dating kampeon na si Joshua Clottey, ang matibay na Afrikanong hindi pa napababagsak ng kahit na sino. Magkakaharap kami ni Clottey sa malawak at malaking Dallas Cowboys Stadium sa Arlington, Texas sa March 13. Excited na po akong lumaban ulit.

Marami ang nagsasabing magiging madali lang para sa akin ang laban na ito pero para sa akin, lubhang mapanganib ang sagupaang ito dahil na rin sa taglay na lakas, laki at bilis ni Clottey.

Hindi hamak na mas matangkad at mabigat si Clottey, na siyang lumaban kontra kay Miguel Cotto at kamuntik pang manalo sa paghaharap nila kung hindi lang siya nagpabaya sa huling dalawang rounds. Dahil sa mas maliit tayo sa laban, mas magiging mahirap na manalo kontra sana sa mga kalabang kasinlaki natin, gaya ng mga laban sa 135 pounds.

Dahil ako ang 147-pound champion ng World Boxing Organization dala ng pagpapanalo natin kontra kay Cotto noon isang taon, idinedepensa ko ang korona sa kauna-unahang pagkakataon. Alam ko po na gaya ng kasabihan, ang hari na may suot na korona ay may suot na pabigat sa kanyang ulo. Natural lamang na lahat ng gustong sumilo sa korona ay magpupumilit na makuha ang inaasam sa anumang pamamaraan na abot ng kanilang kakayahan.

Alam kong walang dapat na ipangamba si Clottey sa laban na ito na tinaguriang “The Event.” Dahil ako ang No. 1 pound-for-pound champion ng mundo at ang tinaguriang “Fighter of the Year” at “Fighter of the Decade” ng Boxing Writers Association of America, alam kong lahat ng bagay at pagkakataon ay gagawin ni Clottey para manalo at pumuntos ng isang upset sa aming laban. Kaya naman, kailangan ko ring patunayan na ako talaga ang karapat-dapat na makakuha ng award na ito sa pamamagitan ng pagpapalabas ng isang panibagong obra-maestra sa ibabaw ng ring. At kailangan kong lumabas na kahanga-hanga.

Maraming salamat po sa lahat ng bumubuo ng Boxing Writers Association of America sa pagbibigay nila sa akin ng panibagong parangal na ito na talaga namang itinuturing kong isa sa mga major awards na aking natanggap sa loob ng 15 taong pagsisikap ko sa ibabaw ng ring.

Kaya naman po talagang puspusan ang aking paghahanda para sa laban na ito dahil hindi ko maaaring talikuran at biguin ang lahat ng mga sumusuporta at naniniwala sa aking kakayahan. At talaga namang walang puwang ang pagiging over-confident sa laban na ito dahil nakataya pa rin ang karangalan ng aking bansa.

Sana, sama-sama tayo pa ring manalangin upang maungusan natin ang panibagong pagsubok na ito para sa huli ay sabay-sabay tayong magpupuri sa ating Dakilang Lumikha.

Hanggang sa muling Kumbinasyon. God Bless us All.

* * *

This article is also available at Abante Online.

Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com



Click here for a complete listing of columns by this author.

Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources.

 



 
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring
Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general.
Please send comments to feedback@philboxing.com


PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya
© 2024 philboxing.com.