Philippines, 26 Dec 2024
  Home >> News >> Columns >> Manny Pacquiao

 


BOXERS

CURRENT CHAMPIONS 

FORMER CHAMPIONS   

RATINGS                       

NEWS           

FORUM        

FIGHT GALLERIES        

RING CARD GIRLS        


 
 
Columns


 

"Kumbinasyon"

By Manny Pacquiao


Salamat sa Mga Pagbati

PhilBoxing.com
Sun, 20 Dec 2009



SARANGANI --- Magandang araw pong muli sa inyong lahat, kayong mga minamahal kong mga kababayan, fans, kaibigan at sa lahat ng sumusuporta sa sport ng boxing sa buong mundo. Kung saan man kayo naroroon ngayon, sana ay nasa maganda kayong kalagayan gaya ng inyong abang lingkod na sa ngayon ay maligayang nagdiwang ng ika-31 taong kaarawan kamakalawa lamang. At maraming salamat sa inyong mga naging pagbati. Medyo matagal-tagal na hindi ninyo natunghayan itong aking pitak. Ito’y dahilan sa aking pagiging abala sa mga bagay-bagay, lalo na nang matapos ang aking laban kay Miguel Cotto.

Unang-una sa lahat, ang aking buhay at lahat ng ating biyayang natatamo ngayon ay kaloob at handog sa atin ng Panginoong Diyos na siyang pinagmumulan ng lahat --- maging ang aking lakas at tapang sa pakikipaglaban sa mga dambuhala ng mapanganib na sport ng boxing.

Sa Enero 22, 2010, sasapit na ang ika-15 taong anibersaryo mula nang ako ay magsimulang lumaban bilang isang propesyunal na boksingero sa maagang gulang na 16.

Opo, dahil na rin sa hirap ng buhay noon, sinimulan kong lumaban kontra sa mga mas matatanda at ekspiriyensadong mandirigma ng ring kahit tingib sa panganib ang trabahong ito. Mahal ko ang sport na ito at iba ang pakiramdam ng nananalo at itinataas ang kamay kapag nagapi mo na ang iyong kalaban. Alam ko noon na sa puspusang pagsisikap, matatamo ko ang aking mga minimithing pangarap sa paggamit ng aking mga kamao.

Sa loob ng halos 15 taong pakikipaglaban, utang ko sa Poong Maykapal ang aking buhay at ang kalusugang aking tinatamasa sa ngayon. Nagpapasalamat ako dahil wala akong pinsala sa katawan at pag-iisip at ngayon ay nasa tuktok ako ng sport na ito, may asawa at mga anak. Kasama ang aking pamilya na sumusuporta sa akin at lubos na nagagalak sa lahat ng aking maliliit at malalaking tagumpay. Kung wala ang aking paniniwala at pananalig sa Diyos, alam kong wala akong mararating, wala akong matatamo at hindi ko maaabot ang lahat ng aking mga pangarap. Alam ko na dahil sa aking mataimtim na panalangin sa Kanya, walang imposible kahit na higante pa ang nasa aking harap.

Napapangiti ako ngayon habang naaalala ko iyong mga pagkakataong kailangan kong maglagay ng pampabigat sa aking salawal upang maabot ko ang timbang dahil payat ako at patpatin noong una akong lumaban. Kahit na sa huli kong apat na laban, kontra kina David Diaz, Oscar “Golden Boy” Dela Hoya, Ricky “The Hitman” Hatton at Miguel Cotto, ako ay pilit na kumakain ng marami, halos bande-bandehado, upang hindi lang naman maging dehado sa bigat at sa timbangan. Sa huli kong apat na laban, hindi ako masyadong nagpipiga ng katawan dahil sa tingin ko, kaya ko pa ring lumaban sa 130 pounds division.

Walang mahiwaga sa huling limang mahahalagang pagpapanalo ko, dahil nasa tabi nating palagi ang Poong Maykapal. Naririyan din ang aking asawang si Jinkee at ang aming apat na anak, ang aking mga magulang at mga kapatid, ang aking mga trainer at mga kaibigang gumabay sa akin kahit na sa kabiguan at sa hirap ng aking mga pinagdaanang mga pagsubok. Sa inyong lahat, maraming maraming salamat. Dahil sa inyong lahat, kasama na rin ang mga taong hindi ko mababanggit na mga pangalan (dahil sa sobrang dami ninyo) at sa lahat ng mga kasama kong nananalangin sa bawat sandali ng ating paglalakbay sa mundong ito, sana ay maipagpatuloy natin ang simulaing ito upang lalo tayong makilala bilang isang bansa na nagkakaisa at nananalangin sa Diyos ng Pag-ibig.

Hanggang sa muling Kumbinasyon. God Bless Us All.

* * *

This article is also available at Abante Online.

Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com



Click here for a complete listing of columns by this author.

Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources.

 



 
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring
Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general.
Please send comments to feedback@philboxing.com


PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya
© 2024 philboxing.com.