|
|
|
MASAYANG PAGTITIPON PhilBoxing.com Sun, 26 Apr 2009 LOS ANGELES ? Magandang araw po ulit sa inyong lahat. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan saan man kayo naroroon. Dumating na po ang mga huling sandali ng pagsasanay at masasabi kong maganda ang aking pakiramdam, malusog ang aking pangangatawan at malinaw ang aking pag-iisip para sa laban namin ni Ricky Hatton sa May 2 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas. Inspirado ako ngayon dahil lahat na halos ng aking mga malalapit na kaibigan at pamilya ay nagsisidatingan na galing sa Pilipinas at kung saan-saan pang bahagi ng mundo. Mas lalo akong ginaganahan dahil sa kauna-unahang pagkakataon, naririto ang aking pinakamamahal na ina. Sa kauna-unahang pagkakataon, si mommy Dionesia ay makakapiling ko kaagad pagkatapos ng laban kahit na hindi siya manonood sa actual na laban. Opo, ang aking ina ay hindi nanonood ng aking mga ?live? na laban dahil hindi siya nakakatagal sa panonood. Imbes na manood siya, palagi siyang nagdarasal para sa aking tagumpay at talaga namang nagsasakripisyo rin siya sa pagsuporta sa akin sa pinakamahalagang bagay ? ang panalangin. Sa pagdating ditto ng aking mga mahal sa buhay, sa pangunguna nga ng aking ina, isang masayang pagtitipon ito para sa amin. Masasabi kong malaki ang epekto sa akin ng pagdating sa US ng aking ina dahil mas lalo akong nai-inspire kapag nakikita ko siya araw-araw. Utang ko sa aking ina ang lahat ng mga bagay na aking natutunan mula pa noong kami ay mga bata, kasama na rin ang aking mga kapatid. Sa aking ina ako natutong magdasal at maging matatakutin sa Poong Maykapal. Sa kanya ko rin natutunan ang disiplina sa maagang edad. Naaalala ko, noong bata pa kami, gigisingin kaming lahat ng aming nanay bago pa sumikat ang araw upang magdasal at mag-rosaryo. Kaya naman, pagkatapos ng morning prayers namin, deretso na rin kami sa pang-araw-araw na mga gawain dahil mahirap nang matulog ulit pagkatapos mong gumising sa umaga Sa aking mga magulang ko unang natutunan ang kahalagahan ng pagtatrabaho nang puspusan, ang pagbibigay ng buong kakayahan sa pakikipaglaban sa kahirapan ng buhay. Sa aking ina ko unang ibinigay ang una kong kinita sa pagtatrabaho sa lansangan at kahit na sa amateur boxing. Minsan ko sinuway ang utos ng aking ina, dahil ayaw na ayaw niya akong magboksing mula noong bata pa ako. Kahit na labag sa kanyang utos, itinuloy kong patago ang pagsasanay ng boksing at nang handa na akong maging professional fighter, hiningi ko ang kanyang basbas at pahintulot, dahil ako ay hindi pa umabot sa hustong edad na 18. Ginawa ko lang ang maging isang boksingero dahil na rin siguro sa kahirapan, pero sadyang may nakaukit nang tadhana sa aking mga palad. Sa huli, malaking pasasalamat ang aking ibinibigay sa aking ina. Walang katumbas po ang inyong mga sakripisyo at pangangaral sa amin, na hanggang ngayon ay dala-dala ko, kahit saan man ako magtungo. I love you and advance Mother?s Day sa May 10! Hanggang sa Muling Kumbinasyon. God Bless Us All and especially all of our mothers. Photo: Pacquiao (L) with mom Dionisia in General Santos, Philippines. * * * This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |