|
|
|
‘Di dapat magkumpiyansa PhilBoxing.com Thu, 11 Mar 2010 DALLAS -- Magandang araw po sa inyong lahat na mga ginigiliw kong taga-subaybay ng kolum na ito. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan, saan man sulok ng mundo kayo naroroon. Gaya po ng inyong nabasa sa iba’t ibang pahayagan at boxing websites, naririto na po ang inyong lingkod, kasama ang buong Team Pacquiao, para sa huling linggo ng paghahanda sa aming laban ni Joshua Clottey ng Africa, na magaganap sa Sabado (at mapapanood sa Maynila ng araw ng Linggo), sa Dallas Cowboys Stadium. Balik-Texas po ulit tayo at para po sa akin ay may mahalagang puwang sa puso ko ang Texas. Dito sa Texas ako unang sumubok na umukit ng aking pangalan sa larangang aking ginagalawan ngayon. Dito nagsimula ang aking pangarap, pangarap na natupad sa pagdaan ng taon, hanggang sa ako’y tanghalin nang pound-for-pound king. Marahil ay naaalala pa ninyo, dito sa Texas, sa bahagi ng San Antonio, taong 2003 nang ako’y dumayo roon, upang harapin ang isang maituturing na ring alamat sa Mexico na si Marco Antonio Barrera. Kahit ako’y underdog sa labanang iyon, na ginawa sa Alamo Dome, ipinakita ko sa buong mundo na kayang ibagsak ng Pinoy, kahit ang isang alamat. At iyon nga po ang aking ginawa. Hindi ko inalintana ang pagiging dehado sa laban, bagkus ay ipinamalas ko ang aking tapang sa ibabaw ng ring at ako’y nagtagumpay, nang itigil ng reperi ang aming sagupaan sa ika-11 round, at ihatag sa inyong lingkod ang isang TKO panalo. Doon nagsimulang maging bukambibig ang aking pangalan. At nang kami’y muling magkaharap ni Barrera, pero hindi na sa Texas, muli kong pinatunayan na hindi tsamba ang aking unang naging panalo sa kanya, nang muli’y talunin ko siya sa aming rematch. Ang sarap gunitain ang mga araw na nagsisimula pa lamang akong gumawa ng pangalan. Hindi ko akalain na mararating ko ang anumang kinalalagyan ko sa ngayon. Nang dumayo ako sa Texas ay iilan pa lamang ang aking kasama, kabilang na ang namayapa at itinuturing ko na ring ama na si Rod Nazario, na siya noong aking manager. At sa pagdaraan ng panahon, lumalaki ang bilang ng mga miyembro ng Team Pacquiao, bagay na aking ikinasisiya dahil alam kong ang aking tagumpay ay kanila ring tagumpay. Ang laban ko’y kanila ring laban. Siyempre, sa tulong ng Poong Maykapal kung kaya’t lahat ng bagay ay ating nagagawa at naisasakatuparan, maging ito man ay sinasabing imposible. Sa pagbabalik ko dito sa Texas, isang mabigat na hamon ang muli’y aking haharapin. Sinasabi nilang kayang-kaya ko ang makakalaban mula sa Ghana, Africa. Pero, sa boksing, ang pagiging sobrang kumpiyansa ay nakasisira. Wala sa aking isipan na maging over confident sa laban, dahil naniniwala akong may kakayahan ang aking kalaban na magbato ng suntok at iba pang estratehiya sa laban para ako’y talunin. Hindi dapat magkapuwang sa aking puso at isip ang salitang ‘over confident’ dahil hangga’t hindi itinataas ang aking kamay na simbolo ng aking tagumpay, hindi ako nakasisiguro sa laban. Sa huling araw ng aking paghahanda rito, hindi ko rin matatawaran ang sipag ng aking alagang asong si Pacman. Na kahit napakalamig ng panahon, basta’t nakita niyang ako’y gumising sa umaga para mag-jogging ay gising na rin siya para ako’y samahan. Kung inyong nakikita sa mga larawan at maging sa mga kuha sa telebisyon, lagi kong kaagapay sa pagtakbo si Pacman, na kahit nahihirapan sa pagtakbo ay hindi ako iniiwan. Tumitigil lamang ito kapag nakita niyang ako’y tapos na sa pagjogging. At sa aking muling pagdayo ditto sa Texas, sisikapin kong maipakitang muli sa buong mundo ang paghahandang aking ginawa, katuwang ang mga miyembro ng training camp ng Team Pacquiao, sa pangunguna ni coach Freddie (Roach). Upang muli nating maiuwi sa pagbabalik sa Pilipinas ang tagumpay, hindi lamang ng inyong lingkod, kundi maging ng ating buong bayan. Hanggang sa muling Kumbinasyon. God Bless Us All! * * * This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |