|
|
|
PARA SA INYONG LAHAT PhilBoxing.com Sun, 15 Nov 2009 LAS VEGAS — Isang magandang araw ang aking ipinapaabot sa inyong lahat habang ako ay handa na para sa pinaka-importanteng laban ng aking boxing career sa kasalukuyan, ang pag-asam natin sa ikapitong world title sa ikapitong magkakaibang weight division. Excited na ako na sumabak sa ibabaw ng ring kontra sa kampeon ng welterweight division na si Miguel Angel Cotto, ang pambato ng Puerto Rico. Walong linggo akong naghanda ng puspusan para sa gabing ito at alam kong minsan lang mangyayari ito sa larangan ng sport ng boksing dahil wala pang nakakagawa nito sa buong kasaysayan mula pa noong simula. Kaya naman ginawa, ginagawa at gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang makamit ang World Boxing Organization welterweight title at ang World Boxing Council Diamond Belt na nakataya sa Sabado (Linggo ng tanghali sa Pilipinas) sa MGM Grand Garden Arena. Kahapon nga, napuno ang arena, kahit na weigh-in pa lamang ang gagawin namin ni Miguel. Naroroon ang mga kababayan nating Pinoy para magbigay-suporta sa akin, gayundin ang mga taga-Puerto Rico na suportado si Miguel. Nakakatuwang isipin na noong nagsimula ako sa boksing, tumimbang lang ako ng 106 pounds noong 1995 para sa una kong laban sa murang edad na 16. Mula nang maging kampeon ako ako sa 108 pounds flyweight division, nabatid ko sa sarili ko na wala palang imposible kung ibibigay mo ang iyong sarili sa paghangad ng mga bagay na sa tingin mo ay imposibleng makamit. Inaamin kong hindi naman ako ang pinakamagaling na boxer sa mundo pero dahil sa pinag-ibayo ko ang paghasa sa mga biyayang ibinigay sa akin ng Poong Maykapal, lalong nadagdagan ang aking talino at kakayahan na umangat mula sa pagiging “ordinaryong” boxer lamang. Alam kong mayroon akong taglay na bilis at kasama nito ay ang lakas kaya naman hindi naging mahirap para sa akin ang umangat mula sa flyweight paakyat sa super-bantamweight division at maging kampeon muli ng mundo sa hindi masyadong inaasahang pagkakataon. Wala ring naniwala sa akin na makakaya kong talunin ang tinitingala at iniidolong si Marco Antonio Barrera, ang tinaguriang People’s Champion ng featherweight division, nang talunin ko siya sa pamamagitan ng knockout noong 2003. Kahit na nadaya ako sa tablang laban namin ni Juan Manuel Marquez dahil mali ang scoring ng isang judge noong tatlong beses kong pinabagsak ang Mexicano sa unang round, nagawa ko ring balikan siya sa super-featherweight division at maipanalo ang aking ika-apat na titulo sa ikaapat na magkakaibang weight division. Kasing-dami rin ng mga hindi makapaniwala at nagsasabi na mahihirapan daw ako sa laban ko kay David Diaz, ang hari ng mga lightweight. Pero nalampasan ko po ang lahat ng mga iyan sa pamamagitan ninyong lahat at sa ating matinding pananalig sa Makapangyarihang Diyos. Tinalo ko ang alamat ng boksing na si Oscar Dela Hoya sa 147-pound limit at sa taong ito ay naitala ko ang ika-anim na world title nang talunin ko si Ricky Hatton, ang hari ng mga light-welterweight at mapantayan ko ang nakatayong record. Para sa laban na ito kontra kay Cotto, inaalay ko po sa inyong lahat ang paghangad ng tagumpay. Kayong lahat ang aking inspirasyon at sana, iisa ang ating magiging tinig at iisa ang ating panalangin. Sa gabi ng laban, ang lahat ng inyong mga adhikain ay aking papasanin sa ibabaw ng ring at kung papalarin ay magsasaya tayong sabay-sabay bilang isang bansa na sumasampalataya sa Diyos ng pag-ibig at buhay. Hanggang sa Muling Kumbinasyon. God Bless Us All. * * * This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |