Philippines, 05 Dec 2024
  Home >> News >> Columns >> Manny Pacquiao

 


BOXERS

CURRENT CHAMPIONS 

FORMER CHAMPIONS   

RATINGS                       

NEWS           

FORUM        

FIGHT GALLERIES        

RING CARD GIRLS        


 
 
Columns


 

"Kumbinasyon"

By Manny Pacquiao


Paghahangad sa Espesyal na Record

PhilBoxing.com
Sun, 18 Oct 2009




BAGUIO CITY—Magandang umaga, tanghali o gabi sa inyong lahat, saan man kayo datnan ng aking pagbati. Nawa ay nasa mabuti kayong kalagayan saan mang panig ng mundo kayo naroroon. Kung ako naman po ang inyong kukumustahin, okay na okay po ang aking kundisyon at handing-handa na ako sa susunod kong laban na nakatakda sa Nov. 14.

Apat na linggo na lang ang nalalabi at mainit na bakbakan ang magaganap muli sa loob ng malawak na MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas kung saan ay makakasagupa ko si Miguel Cotto, ang pambato ng Puerto Rico. Lalong umiinit ang laban habang lalong papalapit kami sa araw ng kampeonato para sa World Boxing Organization welterweight title at ang World Boxing Council diamond belt, na kapwa nakataya. Para sa akin, espesyal ang dalawang sinturon na ito at lubos akong inspirado na makamit pareho ang mga ito.

Bukod sa paghahangad na makuha ang dalawang sinturon na ito na parehong prestihiyoso, mayroon pang isang katangi-tanging bagay na gusto kong makamit. Iyan ay ang ikapito kong championship sa ikapitong weight class na aking pinagdaanan mula pa noong ako ay nagsimulang lumaban noong ako ay labing-anim na taong gulang may 14 na taon na ang nakakalipas.

O kay bilis ng panahon. Naaalala ko pa noon na kinakailangan ko pang maglagay ng pabigat sa aking mga shorts dahil underweight ako sa laban bilang isang light flyweight. Kinailangan ko pang humingi ng pahintulot sa aking magulang para ako ay makalaban sa taas ng ring dahil sa ako ay isang menor-de-edad. Hindi nagtagal ay naging world champion din ako sa flyweight division ng WBC at sabi nga nila, the rest is boxing history.

At boxing history ang muli kong maisusulat kung sakali mang tayo ay papalarin, sa awa ng Diyos, kontra sa kampeon ng mga welterweight na si Cotto. Nakataya rin sa laban na ito ang isang record na wala pang nakakagawa at nakakaabot. Wala pang tao na nakakagawa at nakatanggap ng parangal sa pagkuha ng pitong world championships sa pitong magkakaibang weight division. Sa ngayon, tanging kami lang ni Ginoong Oscar Dela Hoya ang may anim na championship sa anim na magkakaibang weight division at kung sakali, ako pa lang ang una at katangi-tangi sa lahat ng mga boksingero na makakagawa nito.

Kaya naman puspusan ang aking pagsasanay sa labang ito. Maganda ang aking kundisyon at matitindi ang aking sparring partners. Maayos ang samahan naming ni coach Freddie at ng aking training team na kabilang sina Buboy Fernandez, Nonoy Neri at higit sa lahat ang conditioning coach na si Alex Ariza. Masaya at masigla ang lahat at walang problema sa Team Pacquiao. Kahit na may kaunting hindi pagkakaunawaan ay naaayos din naman ito.

Lalong patindi nang patindi ang mga pagsubok sa mga susunod na araw kung saan ako ay mag-iispar ng hanggang 12 rounds kontra sa tatlo kong sparring partners. Gugugulin ko ang huling tatlong linggo ng training sa United States at sana, sama-sama tayong sa pagdarasal at paghangad ng karangalan para sa iisa nating bansa, Diyos at diwa.

Hanggang sa Muling Kumbinasyon. God Bless Us All.

* * *

Top photo: Pacquiao in training in Baguio City, Philippines.

* * *

This article is also available at Abante Online.

Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com



Click here for a complete listing of columns by this author.

Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources.

 



 
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring
Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general.
Please send comments to feedback@philboxing.com


PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya
© 2024 philboxing.com.