|
|
|
So Far, So Good PhilBoxing.com Sun, 04 Oct 2009 BAGUIO CITY — Kumusta po ulit sa inyong lahat, mga ginigiliw kong mga kababayan, fans at tagasubaybay ng kolum na ito. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan saan man kayo naroroon. Katatapos ko lang kanina na mag-spar ng limang rounds kasama ang aking sparring partners na sina Shawn Porter at Urbano Antillon at masasabi kong medyo gumaganda na ang aking kondisyon at kilos. Laban sa mas malaki at mas malakas na si Porter, medyo nagustuhan naman ni coach Freddie Roach ang aking ipinakita kahit na may halos anim na linggo pa ang nalalabi bago ako sumabak sa laban kontra kay Miguel Cotto ng Puerto Rico. Tatlong rounds kami nagsubukan ng lakas ni Porter at naging seryoso ang sparring kung ikukumpara sa mga nangyari noong Huwebes, kung saan marami ang nanood na mga miyembro ng media mula pa sa Manila at pati na rin iyong ibang mga locals. Sumunod nito ay nag-spar din kami ng dalawa pang rounds ni Antillon na naging sparring mate ko na rin noong isang training camp. Habang isinusulat ito, naghahanda kami sa pagbaba sa Manila at sa oras na binabasa ninyo ang kolum na ito, marahil ay nasa mga lugar na kami ng mga lubhang naapektuhan ng Bagyong Ondoy na nanalasa sa maraming bahagi ng Kamaynilaan at sa maraming bahagi ng Luzon. Nangangako ako na pagbubutihin ko ang paghahanda kontra kay Cotto at sa November 14, sa MGM Grand Garden Arena, sa Las Vegas, Nevada, ipaglalaban ko kayong lahat upang sa aking maliit na pamamaraan ay mabigyan man lang kayo ng kaunting kasiyahan. Nakahanda na ang mga bag na naglalaman ng pagkain at ilang pangangailangan na aking ipamumudmod sa mga naghihikahos na mga kababayan. Alam ko po ang inyong dinaramdam at nararamdaman dahil minsan, ako rin ay naging isang palaboy at nagutom dahil ako po ay nagmula rin sa kahirapan. Pinagbubuti ko ang paghahanda sa labang ito dahil alam ko na kailangan nating lahat ng inspirasyon upang makabangon ulit sa kahirapan at alam ko na lubhang masakit ang sinapit ng iba nating mga kababayan na nawalan ng bahay at namatayan ng mga kamag-anak. Kaya naman kahit na medyo nakakapagod at kahit na galing ako sa pagod mula sa training, pipilitin kong makita kayong lahat at makapiling ng kahit na kaunting sandali, dahil kinabukasan ay babalik ulit ako dito sa Baguio City upang ipagpatuloy ko ang training. Marami pang dapat gawin sa paghahanda at wala pa ako sa sapat na kondisyon ng pangangatawan. Matagal pang panahon ang bubunuin namin ni coach Freddie at ng aking team upang maabot namin ang pinakamagandang kundisyon sa Nobyembre. Sana ay tuluyan nating ipagdasal ang isa’t-isa upang makalusot tayong lahat sa mga pagsubok na ito. Hanggang sa Muling Kumbinasyon. God Bless Us All. * * * Top photo: World Boxing Organization (WBO) super lightweight champion Manny Pacquiao of the Philippines performs shadow boxing at the Burnham park in Baguio city, north of Manila September 21, 2009. Pacquiao arrived in Baguio city on Sunday to start their four-week training in preparation for his fight with Miguel Cotto of Puerto Rico on November 14 at the MGM Grand Arena in Las Vegas, Nevada. REUTERS/Romeo Ranoco. * * * This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |