|
|
|
Kaibigang Kobe PhilBoxing.com Sun, 12 Jul 2009 MALUNGON, Sarangani -- Magandang araw po ulit sa inyong lahat, mga ginigiliw kong tagasubaybay, fans, pamilya at mga kaibigan. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan gaya ng inyong abang lingkod. Kakagaling ko lang mula sa Los Angeles, California upang mag-shoot ng isang commercial at kahit na isang araw lang ako doon ay maraming ala-ala na naman ang aking natamasa. Kasama ang aking pamilya na nagpaiwan muna doon sa aming bagong bahay sa Los Angeles, pumunta ako sa US upang makunan ng mga batikang photographer para sa malaking proyekto ng isang dambuhalang apparel company kasama ang mga pinakasikat na mga atleta ng henerasyong ito. Alam ko pong excited na rin kayo na malaman kung ano ang mga detalye ng susunod kong laban pero hanggang sa ngayon ay nakikipag-negosasyon pa kami sa mga detalye ng susunod kong sagupaan, malamang kaharap ang dambuhalang si Miguel Cotto ng Puerto Rico. Wala pa ring takdang petsa at napagkakasunduang detalye sa aking susunod na laban at maaaring sa Oktubre o Nobyembre na ang susunod kong fight date pero sa ngayon, marami pa rin akong pinagkaka-abalahang mga proyekto sa bansa. Naririyan ang mga shooting ng dalawang pelikula na akin namang kinahihiligan at nag-eenjoy ako sa trabahong ito. Sa kasalukuyan, naririto ako sa bayan ng Malungon, sa Sarangani province, upang salihan ang isang darts tournament na akin na ring pinasaayos at pina-organisa. Maraming mga sikat na manlalaro ang kasali dito mula sa lahat ng sulok sa Pilipinas at masaya ako sa pagdalo ng mga manlalaro. Ganyan po ang aking buhay kapag wala pa ring laban. Marami akong pinagkaka-abalahan gaya ng mga proyektong nabanggit. Iyon nga palang photo-shoot namin sa Los Angeles ay kinabilangan ng marami pang mga sikat na atleta at isa rito ay si Kobe Bryant ng Los Angeles Lakers. Dahil sa hilig ko rin sa basketball, bukod pa sa maraming sports, at sa aking estado bilang No. 1 pound-for-pound boxer sa buong mundo, napabilang ako sa maraming atletang lalabas sa mga billboard sa buong America, kasama na rin si Kobe, na naging pinuno ng champion team na Los Angeles, Lakers. Naging mainit at masaya ang aming pagkikita sa aming magkabilang set nitong nakaraang araw kasama si Kobe. Kasama ang aking pamilya, masaya kaming nagpakuha ng photos kasama si Kobe at masasabi kong nahulog ang aking loob sa mabuting ipinakita sa akin ni Ginoong Bryant. Dahil na rin sa marami akong mga kaibigang basketball players, lalung-lalo na sa karibal nilang Boston Celtics, hindi ko naiwasang humanga sa pagiging humble ni Kobe, na bibisita sa Pilipinas nitong buwang kasalukuyan. Sabi ko sa kanya, mula ngayon, ako ay isa nang ganap na Lakers fan at hihintayin ko siya sa Pilipinas sa darating na araw para naman maipakita ko rin ang hospitality na naging sikat sa ating mga Pilipino. Hanggang sa muling Kumbinasyon. God Bless Us All. * * * This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2025 philboxing.com. |