|
|
|
Laban Bawat Araw PhilBoxing.com Thu, 25 Jun 2009 GENERAL SANTOS CITY?Magandang araw po ulit sa inyong lahat, mga minamahal kong kababayan, fans, kaibigan at tagasubaybay ng kolum na ito. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan saan mang panig ng mundo kayo naroroon. Tuloy pa rin ang laban sa bawat araw, kung ako po ang inyong tatanungin. Matapos nating magwagi sa ating huling pagsubok laban sa hari ng 140-pound division na si Ricky Hatton, hindi pa rin tumitigil ang pang-araw-araw na laban sa aking buhay, saan man ako mapadpad. Naririyan ang napakaraming mga boksingerong gusto akong makalaban dahil na rin nasa ulo ko ang korona ng No. 1 na boksingero sa mundo, pound-for-pound, dala na rin ng mga pagwawagi ko laban sa mga higante ng boksing, particular si ?Golden Boy? Oscar Dela Hoya. Sa pag-uwi ko sa Pilipinas, sa araw-araw na pamumuhay ko rito, ibang uri naman ng paligsahan ang aking hinaharap. Dahil na rin sa kahirapan ng buhay sa aking bansa at sa aking sinilangang bahagi ng Mindanao, hindi ko maaaring iwanan ang aking mga kapwa mahihirap. Opo, kahit na natamo ko na at nalasap na ang mga maginhawang aspeto ng pamumuhay dahil na rin sa aking pagtatagumpay sa larangan ng sports, ang aking puso ay malapit pa rin sa mga taong minsan ay naging kagaya ko ?isang kahig, isang tuka. Naranasan ko ang hirap bilang isang bata na kakalat-kalat sa lansangan. Minsan, ako ay nangarap na sana, mapabuti ko ang buhay ng aking pamilya kaya naman ako ay nakipagsapalaran sa buhay. Hindi ko alam kung saan ako tutungo at hindi rin alam kung ano ang ibibigay ng bukas. Hindi ko alam kung kailan ako makakakain ng masarap at kung magtatapos ako ng pag-aaral. Hindi ko lubos maisip na ganito na kalayo ang aking narating. Kaya naman po, hindi ko makakalimutan ang aking pinanggalingan, ang mga taong kagaya ko noon. Nakita ko ang kahirapan sa murang edad at alam ko ang pakiramdam ng walang makain, walang saplot sa katawan at walang direksiyon ang buhay. Kaya naman po, isinasaayos ko ang maraming proyekto sa aking purok gaya ng medical, educational, pangkapayapaan at social na mga adhikain upang kahit papaano ay makatulong ako ng kaunti sa mga taong nangangailangan. Marahil, alam na ninyo na may balak ako na pumasok sa larangan ng politika at tatakbo sa Kongreso sa lalawigan ng Sarangani. Marami pa ang mangyayari sa aking career bilang isang boksingero at sa taong ito, isang beses pa ako lalaban, marahil sa Oktubre o Nobyembre. Hindi pa nagtatapos ang lahat dahil gaya ng aking bawat laban, hindi ko nalalaman ang mangyayari. Tanging Diyos lamang ang nakakaalam ngunit isa lang ang tiyak -- tuloy ang laban nating lahat?ang ating pakikibaka sa pang-araw-araw na buhay. Galing naman sa Diyos ang lahat ng itong mga nasa akin ngayon, kaya naman ibinabahagi ko rin sa lahat ang mga ito, pumasok man ako o hindi sa pulitika. Ang makatulong sa aking mga kababayan ang aking sumpa. Hanggang sa Muling Kumbinasyon. God Bless Us All. * * * This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |