|
|
|
Sino ang Susunod na Kalaban? PhilBoxing.com Sun, 31 May 2009 GENERAL SANTOS CITY?Magandang araw po sa inyong lahat, kayong masusugid na tagasubaybay ng kolum na ito. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan gaya ng inyong abang lingkod. Kahit na mahigpit ang aking schedule, kapag ganitong weekend, ginugugol ko ang aking oras para sa aking pamilya dito sa General Santos City dahil bakasyon na rin sa eskuwela ng aking mga anak na lalaking sina Jimuel at Michael. Mahalaga para sa akin na bigyan ng malaking oras ang aking mga anak dahil alam ko, minsan lang sila magiging bata at malaking oras ang aking nagagamit sa training at sa aking mga pinagkaka-abalahang mga proyekto. Kasama ng aking pinakamamahal na asawa na si Jinkee at ang aking dalawa pang mga babaeng anak, si Princess at si Queenie, mahalaga para sa akin ang bigyan importansiya ang munting mga hiling at pangangailangan ng mga bata dahil na rin sa marami kong mga dapat gampanang responsibilidad sa buhay. Dahil sa hindi masyadong matagal ang mga bakasyon ng mga bata, dapat naming lasapin ang bawat minuto ng aming pagsasama dahil sa mga susunod na araw, magiging abala ulit ako sa training at paghahanda. Matapos nating magwagi laban kay Ricky Hatton ng England nitong Mayo, araw-araw halos na hindi maiwasan ng mga tao na magtanong sa akin kung sino ang susunod kong makakalaban. Naririyan ang posibilidad na si Miguel Cotto ng Puerto Rico ang susunod kong makakalaban. Naririyan din si ?Pretty Boy? Floyd Mayweather Jr. sa listahan ng mga susunod kong makakaharap. Kalaban ni Mayweather sa isang sagupaan sa Hulyo si Juan Manuel Marquez. Nangangahulugan na kung mananalo si Marquez sa laban niya kay Mayweather, siguradong mangyayari ang ikatlong paghaharap namin ni Marquez. Naririyan din si ?Sugar? Shane Mosley na hindi pa rin kumukupas at isa sa mga boksingerong nagbigay ng kaniyang salita na gusto niya akong makakalaban sa lalong madaling panahon. Hindi riyan nagtatapos ang listahan. Marami pang mga kalaban ang gustong sumubok sa aking kakayahan dahil na rin sa aking estado, No. 1 pound-for-pound Best Fighter sa mundo. Wala akong uurungang laban at wala akong pipiliing sagupaan, basta nagkakaisa ang aking koponan sa pagpili ng katunggali at maayos ang usapin sa laban, wala akong uurungan. Trabaho ko ang maghanda at magsanay para sa anumang laban. Iyan ang aking nakasanayan at nakagisnang hanap-buhay. Abangan na lang natin. Pero sa ngayon, lalasapin ko muna ang kaunting panahon na makasama ang aking pamilya. Hanggang sa Muling Kumbinasyon. God Bless Us All. * * * This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2025 philboxing.com. |