|
|
|
Pagdedepensa Kay Martin Nievera PhilBoxing.com Mon, 18 May 2009 GENERAL SANTOS CITY ? Magandang, magandang araw muli sa inyong lahat at belated happy birthday sa aking pinakamamahal na ina, si Mama Dionesia. At sa lahat ng aking mga kababayan, sana ay nasa mabuti kayong kalagayan saan man kayo naroroon sa anumang panig ng mundo. Tuluy-tuloy pa rin ang pagdagsa at pagdating ng biyaya mula sa ating pinakabagong pagpapanalo kontra kay Ricky Hatton at sa ngayon, nagbabakasyon muna kami ng aking pamilya at nilalasap ang ating pinagpaguran. Ngunit nitong mga nagdaang araw, lalong umuugong ang pagtutuligsa sa aking kaibigan na si Martin Nievera na aking pinili upang kumanta ng pambansang awit sa aking laban sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada. Nabalitaan kong maraming gusto na namang sumakay at maging sikat sa pamamagitan ng pag-atake kay Martin, na naging malapit sa aking puso nang siya ay kumanta sa aking birthday party sa Los Angeles noong isang taon. Pinangako ko sa kanya na siya ang kakanta ng Lupang Hinirang kahit na marami ang nagsasabi na malas daw ang lalaki na kakanta ng national anthem. Hindi naman po ako naniniwala dun, sa malas o swerte, e. Tayo ang gumagawa ng ating kapalaran lalo na sa ibabaw ng ring. Na-impress po ako sa makabagbag-damdaming pag-awit ni Martin kahit na alam kong minsan ay medyo 'slang' ang kanyang pagkanta. Sa pagkakataong ito, talagang lumabas ang emosyon ni Martin at ipinakita niya ang puso at pagka-makabayan niya sa pag-awit. Walang bahid ng pangangamba ang kanyang pagsasa-bigkas ng mga titik ng kanta at na-inspire ako na lumaban muli para sa watawat at para sa bayan. Hindi ko pinansin ang sinasabi ng iba diyan na sinasadyang pagkakamali ng isang batikang mang-aawit na gusto lamang iparamdam ang kaniyang pagmamahal din sa bansa dala ng kanyang emosyon at puso. Sa aking pananaw, maganda at nakaka-inspire ang ginawang pag-awit ni Martin at alam kong wala sa kaniyang intensiyon na bastusin ang tono ng pambansang awit bagkus ang ipakita ang kaniyang sining sa pagkuha ng mataas na nota sa huli at ang pag-ubos niya ng kaniyang hangin sa kaniyang baga ay nagpakita lamang ng kaniyang tuwa at pagpupuri sa watawat. Hindi ko ubos maisip na tayong mga Pilipino ay mag-aaway sa napakamaliit na isyu at may mga ilan pang gustong parusahan si Martin sa kanyang ginawa. Marami tayong mga dapat pagka-abalahan pa at ang pag-uubos ng oras para sa mga ganitong bagay ay talaga namang nakakamangha at nakakainis kung minsan. Kung paparusahan man si Martin, kailangan ding parusahan ang marami pang mga tao na kumanta ng pambansang awit ng Pilipinas, lalo na iyong mga sintunado. Sa bansang America nga, na tinuturing na isa sa pinakamalakas na demokratikong bansa, ang mga mang-aawit nila ay iba-iba ang estilo ng pag-awit at walang kaso o away na nagaganap. Pinapalakpakan pa nga, e, ang magandang pag-aawit. Tayo lamang ang bansang ganito o di naman siguro, may mga taong gusto lang talagang sumikat din sa pagpapalaki ng ganitong isyu. Sa aking pagkakalam, ang tamang pagkanta ng pambansang awit ay ang parang martsa ang kumpas. Marami na ang gumawa ng kani-kanilang bersiyon at ngayon lang pinag-initan ang ganitong isyu. Sana naman, itigil na natin ang alitan at gumawa na lang tayo ng mas maraming mga bagay na makakabuti sa ating lahat. Hanggang sa Muling Kumbinasyon. God Bless Us All. * * * This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |