|
|
|
Tumitinding Mga Pagsubok PhilBoxing.com Thu, 09 Apr 2009 LOS ANGELES -- Magandang araw po ulit sa inyong lahat, mga ginigiliw kong mga tagasubaybay, kaibigan at mga fans. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan saan man kayo naroroon. Halos tatlong linggo na lang ang nalalabi para sa paghahanda namin sa laban sa Mayo 2 at lalong tumitindi na po ang training at mga pagsasanay ng team upang maging matagumpay ulit tayong lahat kontra sa tinuturing na kampeon ng 140 pounds division na si Ricky Hatton. Umabot na po ako sa sampung rounds ng sparring kontra sa tatlong sparring partners at maganda naman po ang resulta ng pakikipag-isparing ko. Bukod sa paghahanda, kasabay din ng training ang shooting ng isang 24/7 series ng HBO upang lalong dumami ang mga manonood ng laban namin na gaganapin sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada. May apat akong sparring partners na tumutulong sa akin upang magaya nila ang style ni Hatton, ang pambato ng United Kingdom. Kanina lamang, sunud-sunod na hinarap ko ang mga boksingerong sina Mike Alvarado, Tito Serrano at Urbano Antillon. So far, so good at lalo pang papahirap ang training sa mga susunod na araw bago kami tutungo sa Las Vegas sa huling linggo ng buwan na ito. Ginagawa ko lahat ang sakripisyong ito para sa bayan at sa inyong lahat at nasisiyahan naman ang aking coaching staff sa kanilang mga nakikita. Bukas, araw ng Miyerkules, wala akong ensayo dahil na rin sa nakatakda akong magpa-physical examination sa San Pedro, California na palagi naming ginagawa bago ang isang laban. Kinukuha ng ilang doctor ang aking dugo at ihi at sinusuri rin nila ang aking paningin. Maraming mga dapat pang gawin sa pag-eensayo upang mapaghandaan ang sinasabi nilang kalamangan ni Hatton sa laki ng katawan at sa tingin ko, kumportable naman ako sa bago kong timbang na paglalabanan. Sa tingin ko, hindi naman masyadong malaki ang kalamangan ni Ricky sa akin sa timbang na 140. Kaya naman, ginagawa naming gamitin ang ilan sa mga bagay na lamang tayo sa laban, kasama na riyan ang bilis at liksi ng katawan. Ito ang pangalawang magkasunod na laban ko na halos araw-araw at oras-oras ay sinusubaybayan ako ng isang TV crew na galing sa higanteng cable company na HBO upang subaybayan din nila ang bawat kilos ko sa araw-araw na pangyayari. Nandito na rin ang TV crew ng GMA 7 na nanggaling pa sa Manila upang tutukan din ang aking training. Nakakapagod man pero sa kabilang dako ay masaya rin naman ang bawat araw na nagdaraan. Nalalaman kong lahat ng ito ay kasama sa aking trabaho bilang No. 1 pound for pound fighter in the world at lahat ay gustong malaman ang aking ginagawa sa bawat sandali. Hanggang sa muling Kumbinasyon. God Bless Us All. * * * This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2025 philboxing.com. |