Philippines, 25 Nov 2024
  Home >> News >> Columns >> Manny Pacquiao

 


BOXERS

CURRENT CHAMPIONS 

FORMER CHAMPIONS   

RATINGS                       

NEWS           

FORUM        

FIGHT GALLERIES        

RING CARD GIRLS        


 
 
Columns


 

"Kumbinasyon"

By Manny Pacquiao


2009: Malaking Pagsubok

PhilBoxing.com
Thu, 08 Jan 2009



LOS ANGELES?Magandang araw po ulit sa inyong lahat, mga ginigiliw kong tagasubaybay ng kolum na ito. O kay bilis talaga ng panahon, at sa isang iglap ay tapos na naman ang isang linggo ng taon, na parang hangin lang na dumaan sa ating mga gunita at alaala.

Sa mga panahong ito, masaya kaming nagkakabuklod ng aking buong mag-anak dito sa Los Angeles at ngayon pa lang ako nakakabawi sa aking mga mahal sa buhay dahil kadalasan, kung hindi ako nag-eensayo para sa susunod na laban ay ako naman ay nag-aaral sa kolehiyo o di kaya ay gumagawa ng mga proyekto na aking kinagigiliwan gaya ng pagkanta, paggawa ng pelikula o di kaya ay nagsu-shoot ng commercials ng mga kumpanya na aking ini-endorse.

Sa susunod na linggo, ako naman po ay babalik na sa Pilipinas upang tapusin ang mga nalalabing subjects ng aking course sa college. Sabik na ako na bumalik sa pagiging isang estudyante, isang bagay na hindi ko nagawa noong ako ay isang bata pa dahil na rin sa hirap ng buhay.

Pilit kong gustong tapusin ang pag-aaral dahil ang diploma ang isa sa mga bagay na pinakaninanais kong makamit sa aking buhay, bukod pa sa mga parangal ng boksing na aking natanggap na sa halos 14 na taon ko nang lumalaban sa taas ng ring. Naaalala ko pa noong 1995 sa buwan ng Enero rin ako unang lumaban at sa pagbabalik-tanaw, malayo na rin pala ang aking narating.

Pero hindi pa diyan magtatapos ang lahat dahil sa taong ito, mas lalong magiging matindi ang mga pagsubok dahil alam ko, lahat ng mga boksingero sa mundo ay gustong lumaban sa akin at gusto akong talunin. At dahil sa ako ay tinaguriang pound-for-pound No. 1 boxer sa mundo, karapat-dapat lang na pag-ibayuhin ko pa ang paghahanda at pag-asinta sa mas malalaking tropeo ng buhay.

Hindi na rin po ako bumabata. Kamakailan lang ay sumapit na ang aking ika-30 kaarawan at sa taong ito, napag-isip-isip ko rin na mas mahalaga na makapag-ipon at makapag-retire na malusog ang pangangatawan at pag-iisip upang lalo kong malasap at ma-enjoy ang mga bunga ng aking paghihirap at sakripisyo.

Sa paglipas ng mga araw, palapit na nang palapit ang pagtatapos ng negosasyon para sa napipinto naming laban ni Ricky Hatton, ang hari ng boksing ng England. Habang tinatapos ng aking promoter na Top Rank Inc. ang maliliit na detalye ng laban namin ni Hatton, pilit kong pinagkakasya ang maliit na panahon na nasa aking mga kamay upang gampanan ko ang aking tungkulin bilang isang ama sa aking mga anak, lalong lalo na sa pinakabagong miyembro ng pamilya, na si Queen Elizabeth.

Sigurado ako na marami pang malalaking laban ang nag-aabang sa taong ito lalung-lalo na kung maipapanalo natin ang susunod na laban.

Sa mga pagkakataong gayon, kakailanganin ko po ulit ang inyong mga dasal, tulong at suporta, gaya ng ating ginagawa mula pa noon.

Hanggang sa muling Kumbinasyon. God Bless Us All in 2009.

* * *

This article is also available at Abante Online.

Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com



Click here for a complete listing of columns by this author.

Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources.

 



 
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring
Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general.
Please send comments to feedback@philboxing.com


PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya
© 2024 philboxing.com.