Philippines, 24 Nov 2024
  Home >> News >> Columns >> Manny Pacquiao

 


BOXERS

CURRENT CHAMPIONS 

FORMER CHAMPIONS   

RATINGS                       

NEWS           

FORUM        

FIGHT GALLERIES        

RING CARD GIRLS        


 
 
Columns


 

"Kumbinasyon"

By Manny Pacquiao


MALAKING SAKRIPISYO, 24/7

PhilBoxing.com
Thu, 23 Oct 2008




LOS ANGELES ? Kumusta po sa inyong lahat. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan saan mang bahagi ng mundo kayo narooon. So far, so good. Ako rin po ay nasa mabuting kalagayan kahit na medyo mahirap talaga ang ensayo at paghahanda laban kay Oscar Dela Hoya sa aming "Dream Match" na magaganap sa Disyembre 6 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada.

Maayos ang aking kundisyon at maganda ang aking pakiramdam kahit na pilit ko pa ring pinapanatili na huwag bumaba ang aking timbang. Sa buong career ko, ngayon lang ako nagkaroon ng ganitong klase ng laban. Hindi ko na masyadong inaalintana ang pagkuha ng timbang sa pagpipiga ng sarili at bagkus ay kinakailangan ko pang kumain ng marami upang hindi ako maging underweight sa araw ng laban na may 147 pounds na limit.

Malaking sakripisyo po ang ibinibigay ko sa laban na ito at hindi biro ang hirap at pagod na aking dinaraanan sa araw-araw. Kahapon nga lang, araw ng Martes, ako ay nag-spar ng apat na rounds kontra sa mas malaking si Rashad Holloway. Ngunit hindi pa doon nagtapos ang aking araw. Bukod sa tinapos ko ang pagsuntok sa heavy bag, double-ended bag at speed ball, ginawa ko pa rin ang mga calisthenics at mga shadow boxing exercises habang ang aking bawat galaw ay kinukunan ng isang HBO crew.

Gusto ko mang maging exclusive at pribado sana ang aking training, hindi ko pwedeng bali-walain ang kahalagahan ng pagtutok ng HBO crew na kumukuha ng aking bawat kilos. Mula sa aking paggising sa umaga kung saan ako ay nag-uumpisang tumakbo sa bundok o sa patag, naroroon na ang mga camera na nakatutok sa akin.

Enjoy ako sa shooting ng clips ng ilan sa mga gagamitin ng HBO sa kanilang "24/7" na palabas na mapapanood sa buong America. Inasahan ko na na ganito talaga ang mangyayari at lahat ng ito ay kasama sa promotion ng aking laban. Para ito sa lahat ng mga milyon-milyong HBO subscribers na siguradong susubaybay sa drama na magaganap bago namin wakasan ni Dela Hoya ang laban sa December 6.

Hindi pa diyan nagtapos ang aking araw. Kinailangan ko pa ring mag-taping ng isang oras sa isang studio at sinagot ko ang ilan sa maraming mga katanungan ng mga writers ng serye. Kasama ang mga Emmy award-winning na mga dalubhasa ng pelikula na sina Thom Stukas at Johnson McKelvy, ginagawa na rin namin ngayon ang ilan sa mga interviews na ipapalabas mula November 16 hanggang sa araw ng laban.

Grabe sa ganda ang teknolohiya na ginagamit sa filming ng "24/7" at pati ako ay namamangha sa mga gamit ng crew, mula sa ilaw hanggang sa mga uri ng camera na may halaga na milyun-milyong piso. Naririyan ang "Phantom" camera at ang Lightning Strikes na mga klase ng ilaw na lubhang mamahalin. Excited na rin ako, kahit papaano.

Opo, nakatakda sa November 4, sa oras ng aking paggising hanggang sa oras ng aking pagtulog, tututukan araw-araw ang aking bawat galaw gaya rin ng kung anumang ginagawa ni Oscar Dela Hoya sa kanyang training camp. Ipapalabas sa HBO TV channel ang lahat ng ito at siguradong mailalagay sa mapa ang Pilipinas at ang aking mga kababayan.

Lahat po tayong mga Pilipino ay maisasama sa malaking palabas ng pandaigdigang telebisyon at iyan ang isa sa mga bagay na nagbibigay sa akin ng lakas upang tanggapin ang malaking sakripisyo na ito, kahit na mabigat sa balikat at kumakain ng malaki sa aking oras. Sa huli, tayo pong lahat ang magwawagi.

Hanggang sa muling Kumbinasyon. God Bless Us All.

* * *

This article is also available at Abante Online.

Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com




Click here for a complete listing of columns by this author.

Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources.

 



 
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring
Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general.
Please send comments to feedback@philboxing.com


PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya
© 2024 philboxing.com.