Philippines, 23 Nov 2024
  Home >> News >> Columns >> Manny Pacquiao

 


BOXERS

CURRENT CHAMPIONS 

FORMER CHAMPIONS   

RATINGS                       

NEWS           

FORUM        

FIGHT GALLERIES        

RING CARD GIRLS        


 
 
Columns


 

"Kumbinasyon"

By Manny Pacquiao


SULIT SA PAGOD

PhilBoxing.com
Sun, 05 Oct 2008




SAN FRANCISCO, CA -- Kumusta po ulit sa lahat ng aking mga ginigiliw na mga fans at kababayan hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan gaya ng inyong abang lingkod.

Sa oras ng pagbasa ninyo sa kolum na ito, marahil ay tapos na ang ikalima sa anim na yugto ng "Dream Match" Media Tour, kung saan si Oscar Dela Hoya at ako ay umikot sa halos anim na pangunahing siyudad sa buong America upang pasiklabin at anyayahan ang lahat sa napipintung labanan namin sa Dec. 6, 2008 sa MGM Grand Resort and Arena sa Las Vegas, Nevada.

Mula New York papunta sa Chicago, tuloy ng Houston at San Antonio sa Texas, hanggang sa San Francisco sa California, mainit na sumalubong sa amin ang lahat ng mga pangunahing kasapi ng media, hindi lang ang print media kundi pati ang mga local at national na TV at radio stations. Kasama na rin ang mga miyembro ng internet media, sa aking palagay, ay naging malaking tagumpay ang ginawa naming media tour ni Ginoong Dela Hoya.

Natutuwa po ako sa surpresang ipinakita ng ating mga kababayan lalung-lalo na sa New York, kung saan mas marami at mainit ang sumalubong sa akin na mga fans kaysa sa hatak ng Golden Boy. Sa harap ng Statue of Liberty na simbulo ng kalayaan at ng mga migranteng mamamayan ng dakilang bansang America, mas maaksiyon ang sigaw ng mga Pinoy kontra sa grupong Latino, isang bagay na aking hindi inasahan.

Inumpisahan namin ang Media Tour sa pagbiyahe sa araw ng Martes, Sept. 30, at sa unang araw ng Oktubre ay maganda ang sinapit namin ang Big Apple. Sa gabi, na-meet ko rin ang mga kababayan ko sa New Jersey na bumuo ng isang salu-salo. Dahil na rin sa higpit ng aking schedule, lumipad din ako papuntang Chicago sa araw ding iyon.

Sa umaga ng Oct. 2, kaming dalawa rin ni Dela Hoya ang nagbukas ng trading sa Chicago Mercantile Exchange at dito ko nakita ang isa sa pinakamalaking kalakalan sa US. Pagkatapos nito, umakyat kami sa Sears Tower, ang pinakamataas na gusali sa buong America. Halos isang minuto kami sa loob ng elevator papunta sa tuktok at dito namin ginawa ang press conference.

Hindi gaya ng maraming boxing press conferences ang ginawa namin ni Ginoong Dela Hoya, dahil walang tulakan o suntukan na naganap. Pareho kaming rumerespeto sa aming kakayahan bilang mga boxer at alam ko, kahit na walang matinding alitan dito, matinding bakbakan ang magaganap sa taas ng ring. Sabi nga ni Dela Hoya patungkol sa akin, "It's the silent ones you should be more scared of."

Sa kinagabihan din, lumipad kami papuntang Houston, Texas at sa umaga ay pumunta na kami sa Space Center ng Houston, sa NASA Parkway. Maraming mga lugar at experience ang gusto kong balikan pagkatapos ng aking career. Sa tanghali naman, muli akong bumalik sa San Antonio, Texas, sa loob ng makasaysayang Alamo, bago kami lumipad patungo sa San Francisco upang maghanda para sa ikalimang yugto ng Tour.

Nakakapagod man ang paglipad sa bawat siyudad, sulit naman ang mga experience na aking nagawa sa mga araw na ito. Hindi pa namin natatapos ang ikaanim na yugto at iyan ay gaganapin sa Los Angeles sa Martes.

Hanggang sa muling Kumbinasyon. God Bless Us All.

Top photo: Arum (L) and Pacquiao in New York presscon. Photo by Rob de la Cruz.

* * *

This article is also available at Abante Online.

Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com



Click here for a complete listing of columns by this author.

Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources.

 



 
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring
Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general.
Please send comments to feedback@philboxing.com


PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya
© 2024 philboxing.com.