|
|
|
Salamat sa Inyong Tiwala PhilBoxing.com Sun, 13 Jul 2008 GENERAL SANTOS CITY ? Magandang araw po muli sa inyong lahat saan mang lupalop kayo naroroon. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan gaya ng inyong abang lingkod. Matapos ang isang linggong pagpapahinga, medyo ngayon ko pa lang nauunawaan at natatanto kung gaano kalaki ang aking responsibilidad sa aking sarili, pamilya, bansa at sa lipunan matapos kong makuha ang dalawa sa pinakamalaking titulo sa larangan ng boxing sa loob lamang ng apat na buwan. Opo, parang isang panaginip itong aking nadarama at ngayon ko pa lang nare-realize na totoo nga ang magandang kapalaran na aking nagisnan. Naalala ko pa nga noong simula ng taon, may mga nagsasabi na hindi raw ako papalarin sa Year of the Rat dahil ako ay ipinanganak sa Year of the Horse, gaya rin ng aking asawa na si Jinkee. Magkakontra daw ang daga sa kabayo. Sabi nila, kailangan daw ayusin ang mga bagay-bagay sa aking bahay upang makontra ang malas at kamalasan. Ang sabi ko naman sa simula ng taon, dapat na akong magbago at ang tanging paniniwala ko sa Diyos ang siyang aking tanging sandigan at wala na akong paniniwalaan pang ibang mga mala-paganong kaalaman. Bukod sa salita ng Diyos na mababasa sa Banal na Aklat, ako po ay nangako sa aking sarili na iiwas na sa mga bisyong aking nakagiliwan noong mga nagdaang taon at mamumuhay ng maayos at tatalikuran na ang mga mapanirang gawain sa buhay gaya ng pagpupuyat, sugal at pag-inom. Alam ko na ang paniniwala sa Diyos ang tanging paraan para maisakatuparan ang lahat ng ito. Malaki ang ipinagbago ng aking pakiramdam, maayos ang training at maginhawa ang takbo ng aking buhay kung ikukumpara noong mga nagdaang taon. Mas masaya ako ngayon kaysa noong dati. At ngayong tangan ko ang dalawang belt sa magkaibang dibisyon, alam ko na marami ang gustong kumuha sa mga sinturon na nakabigkis sa aking bewang. Alam ko rin na hindi ako dapat magpabaya o bumalik sa mga dati kong bisyo. Ang pangalagaan ang aking pangangatawan at ang pagtatapos sa paaralan para palusugin ang aking pag-iisip ang siyang magpapatuloy ng mga magagandang bagay na ating nasimulan nang lasapin. Matapos nating magwagi noong Marso laban sa dating kampeon ng World Boxing Council super-featherweight division na si Juan Manuel Marquez at nitong isang linggo lang ay mapanalunan natin ang World Boxing Council lightweight division belt na tangan ng dati ring kampeon na si David Diaz, alam ko na mas matindi pang mga pagsubok ang darating. Maraming salamat nga po pala sa mga kinatawan ng Philippine Olympic Committee dahil sa pagbibigay nila sa akin ng karangalan na hawakan ang bandila ng Pilipinas sa Beijing Olympics na magsisimula sa August 8, 2008. Isang malaking karangalan para sa akin at sa aking pamilya na mapabilang sa Olympics kahit na hindi ako napasama sa amateur boxing noong ako ay nagsisimula pa lang. At sa World Boxing Council sa pamumuno ni Ginoong Sulaiman, thank you for choosing me as your Boxer of the Month. I will try my best to become your Boxer of the Year by the end of 2008. Hanggang sa muling Kumbinasyon. God Bless Us All. * * * This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |