|
|
|
Alamat Ni Manny Pacquiao (Ika-17 Bahagi): David Diaz, Ricky Hatton, magkasuod na biktima ni Pacquiao tungo sa pang-anim niyang korona By Eddie Alinea PhilBoxing.com Tue, 30 Mar 2021 Bago pa man maganap ang trilohiya sa pagitan ng dakilang mandirigma sa ibabaw ng ring na si Manny Pacquiao at Mehikanong si Erik Morales ay ligtas nang nasa bulsa ng Pilipino ang apat sa walong dibisyong nakatadhanang ang mapasakanya. Ito ay ang flyweight, super-bantamweight, featherweight at super-featherweight. Apat na lamang – lightweight, junior-welterweight, welterweight at junior-middleweight – ang kailangang makamit ng ngayon ay senador nang si Manny para makumpleto ang kanyang target sa buhay niya bilang boksingero. Bagamat madali niyang nabingwit ang korona sa lightweight nang patulugin niya ang isa pang Latinong naging biktima niya, si Davide Diaz, noong Hunyo 28, 2008, hindi ganoong kabilis ang landas na tinahak niya para pagharian din ang mga kategoryang nabanggit. Siyam na round lamang sa nakatakdang 12 round ang itinagal bago mahimbing si Diaz sa Mandalay Bay sa Las Vegas. Si Diaz ay isang Olympian na kumatawan sa U.S. sa pagdiriwang ng ika-100 taon ng makabagong Olimpiyada na idinaos sa Atlanta, lugar kung saan ang ating si Mansueto “Onyok” Velasco ay nakapagdala ng ikawalang medalyang pilak ng Pilipinas mula Olimpiyada. Muli, ay agad iniwan ni Pacman ang 135 librang dibisyon na hindi niya nakuhang ipagtanggol para umakyat pa ng isang ranggo sa welterweight at harapin ang Mehikano-Amerikanong Olympic gold medalist na si Oscar De La Hoya. Binugbog ni Manny si DLH, dalawang beses na may hawak ng sinturon ng super welterweight, sa MGM Grand Arena noong Disyembre 8, 2008, sa kanyang pangatlong laban noong taong iyon. Kabilang dito ang split decision niyang paglupig kay Juan Manuel Marquez sa kanilang pangalawang pagtutuos noong Marso 15, taong 2008 din. Bangas ang mukha, sarado ang mga mata at nananakit ang buong katawan ni DLH matapos ang walong round na bugbugan nang pahintuin ang laban na si Oscar ay nanatiling nakaupo sa kanyang bangko na naging dahilan para ipahayag niya ang kanyang agarang pagre-retiro. Bumalik pa si Pambansang Kamao sa junior-welterweight matapos supilin si Oscar at noong Mayo 2 nang sumunod na taon ay pinatulog niya si Richard “Ricky” Hatton sa loob lamang ng dalawang round para tanghalin ding hari ng 140-librang timbang. "Six down, two to go," wika ng isang sawikain sa sports. Ang mga nakatayo na lamang para ma-kumpleto ang misyon ni Manny ay sina Miguel Cotto (welterweight), at Antonio Margarito (junior-middleweight) ang susunod niyang didispatsahin para dalhin sa dalampasigang ito ang dealawang koronang nabanggit. (May Karugtong) Click here to translate this article to other languages via Google. Click here to view a list of other articles written by Eddie Alinea. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |