Philippines, 21 Nov 2024
  Home >> News >> Columns >> Manny Pacquiao

 


BOXERS

CURRENT CHAMPIONS 

FORMER CHAMPIONS   

RATINGS                       

NEWS           

FORUM        

FIGHT GALLERIES        

RING CARD GIRLS        


 
 
Columns


 

"Kumbinasyon"

By Manny Pacquiao


Pagsaludo kina Buboy, Nonoy at Alex

PhilBoxing.com
Fri, 15 Apr 2011



LOS ANGELES ---Magandang araw po ulit sa inyong lahat lalung-lalo na sa mga tagasubaybay ng kolum na ito. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan saan man kayo naroroon sa mundo.

Sa simula ng linggong ito, tumungo si coach Freddie Roach sa England upang pamunuan ang paghahanda ng aking kapwa boksingero at kaibigan na si Amir Khan na lalaban ngayong Sabado. Good luck sa inyong lahat diyan habang maayos naman ang paghahanda ko rin dito sa Los Angeles para sa nalalapit na laban kontra kay "Sugar" Shane Mosley sa May 7.

Nakahanda na halos ang lahat para sa bakabakan na magaganap sa malawak na MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada. Halos sold out na raw ang laban at may mahigit tatlong linggo pa ang bubunuin para makuha natin ang pinakamagandang kondisyon kontra sa beteranong fighter mula rin dito sa southern California.

Hindi biro ang kalabang si Mosley kaya naman kahit na wala sa bansa si coach Freddie, seryoso pa rin ang mga kaganapan sa training. Kapag wala si coach Freddie, si Buboy Fernandez ang sumasalo sa aking mga suntok upang mapaghandaan namin ang anumang pwedeng gawin ng kalabang si Mosley.

Kahit wala si coach Freddie, si Buboy, kasama rin si Nonoy Neri at ang strength and conditioning coach na si Alex Ariza ang humahalili sa akin. Kaming dalawa ni Buboy ay matagal nang magkasama, simula pa noong kami ay mga bata pa sa General Santos. Minsan, noong bumalik ako sa probinsiya pagkatapos kong mapanalunan ang OPBF flyweight title, isinama ko si Buboy sa Maynila upang siya ang aking makasama sa araw-araw. Tinuruan ko siyang humawak ng mitts at maging isang magaling na trainer.

Ngayon, masasabi kong dalubhasa na rin si Buboy sa kanyang career bilang boxing trainer. Nalalaman niya ang sistema at kilos na siyang magbibigay ng tagumpay sa anumang laban. Dahil wala si coach Freddie, si Buboy ang humahawak ng buong training camp. Kasama naman ni Buboy si Nonoy, isa ring magaling na trainer. Bukod diyan, si Pare Nonoy ang namamahala sa aking pagkain. Siya ang nagluluto ng mga masasarap na mga pagkaing Pinoy kaya siya ang susi ng aking diet.

Sa labang ito, kinakailangan kong kumain ng marami dahil kung hindi, madaling babagsak ang aking timbang at lalo tayong madedehado sa laki ng ating makakalabang si Mosley na isang natural welterweight. Kaya naman kasama ni Pare Nonoy si Alex Ariza na siyang nagbibigay sa akin ng mga tamang supplements upang mapanatili ko ang aking timbang at kasabay nito ang hindi pagkawala ng lakas at bilis.

Babalik sa susunod na linggo si coach Freddie at tamang-tama na lalong itataas namin ang antas ng training at pag-iibayuhin namin ang paghahanda. Excited na ako sa laban kaya naman sana, ipagpatuloy pa rin natin ang pagdarasal para sa isa't-isa upang maging matagumpay tayo sa huli.

Hanggang sa muling Kumbinasyon. God Bless Us All.

* * *

This article is also available at Abante Online.

Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com




Click here for a complete listing of columns by this author.

Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources.

 



 
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring
Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general.
Please send comments to feedback@philboxing.com


PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya
© 2024 philboxing.com.