|
|
|
Masayang Training Camp PhilBoxing.com Sun, 10 Apr 2011 LOS ANGELES, CA--Magandang araw po sa inyong lahat kasama na diyan ang aking mga tagasubaybay at fans na laging sumusuporta sa akin. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan saan man kayo naroroon. Gaya ng nakasaad sa pamagat ng pitak na ito, natutuwa ako at maganda ang kinahihinatnan ng karugtong ng aming training camp dito sa Los Angeles mula sa Baguio City. Kadalasan, kapag masaya ang isang training camp, mas magaan ang nagiging resulta ng laban at ang pagpapanalo ay nagiging mas madali. Gayunpaman, lubha pa ring mahirap ang landas na ating tatahakin dahil isang buwan pa ang training. Nitong nakaraang mga araw, nanibago ako sa klima kaya naman patuloy ang sipon at ubo na dinanas ko sa Pilipinas. Sa ngayon, maganda na rin ang aking pakiramdam kaya handa na akong sumabak sa mas mahirap na yugto ng training. Nakapag-adjust na kaming lahat mula sa pagka-jetlag at sa huling apat na linggo, kailangang makuha na natin ang pinakamataas na antas ng paghahanda. Nitong huling mga araw, nakapag-spar na ako ng walong round kontra sa tatlong mga sparring partner. Minsan, kahit nananakit ang katawan dala ng sintomas ng trangkaso, pinipilit ko pa ring mag-ensayo at maganda naman ang resulta. Nagagalak ang aking team sa panimulang kondisyon na aking ipinamalas kaya naman inspirado ang lahat. Nitong nakaraang dalawang araw, pagkatapos ng aking pag-eensayo, tumutuloy na ako sa maliit na shop na aking ipinundar--ang MP Merchandise and Tattoo shop--at dito na rin ako nagpapahinga kasama ng aking mga ginigiliw na mga kaibigan dito sa Los Angeles. Dito na rin dinadala ang aking pagkain na nanggagaling mula sa Nat's Thai food dalawang pinto lang ang layo. Sila-sila ang matagal ko na ring mga kaibigan simula pa noon ako ay magsimulang gumawa ng pangalan dito sa America. Dahil na rin sa suporta ng mga kaibigan, nabuo ang samahan kung saan lahat ng aking pangangailangan ay napupunuan nila. Naririyan ang mga kasama ko ngayon mula sa aking paggising hanggang sa aking pagtulog--mula sa mga nagluluto ng almusal, paghuhugas ng mga pinagkainan, sa mga naghahanda ng aking gamit para sa pagtakbo, hanggang sa pagmamasahe ng aking nananakit na mga katawan sa gabi. Kahit na malungkot dahil malayo ako sa aking pamilya, marami ring mga patawa sa grupo kaya hindi boring ang training. Kaya naman sa labang ito kontra kay Sugar Shane Mosley, hindi pa rin humuhupa ang inspirasyon at dedikasyon ko sa paglaban para sa bansa, Diyos at sa aking pamilya. Sana po, tuloy pa rin ang suporta ninyo sa akin sa nalalapit na laban sa May 7 sa Las Vegas, Nevada. Hanggang sa muling Kumbinasyon. God Bless Us All. * * * This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |