Philippines, 04 Dec 2024
  Home >> News >> Columns >> Manny Pacquiao

 


BOXERS

CURRENT CHAMPIONS 

FORMER CHAMPIONS   

RATINGS                       

NEWS           

FORUM        

FIGHT GALLERIES        

RING CARD GIRLS        


 
 
Columns


 

"Kumbinasyon"

By Manny Pacquiao


Bakasyon sa Bagong Taon

PhilBoxing.com
Thu, 06 Jan 2011



SYDNEY -- Magandang araw po sa inyong lahat at isang masaganang bagong taon ang aking ipinapahatid sa bawat tahanan ng mga tagasubaybay ng kolum na ito, mula sa Sydney, Australia kung saan ako naroroon ngayon, kasama ang aking pamilya.

Mula noong Pasko hanggang sa ika-siyam ng buwan na ito, ipinasya kong ibigay sa aking pamilya ang lahat ng aking oras upang maranasan naman namin ang pribadong panahon para sa isa't-isa kasama ang aking asawang si Jinkee at ang aming apat na anak na mabilis na nagsisilakihan na.

Matapos kong mag-celebrate ng ika-32 taon noong nakaraang buwan, namasyal kami sa bansang Japan at tuwang-tuwa ang aking mga anak sa Disneyland, na kakaiba rin sa California at Florida na aming nabisita noong mga nagdaang taon. Pagkatapos ng ilan pang mga araw, tumuloy kami sa Australia upang ipagpatuloy ang family vacation namin, isa sa mga pinakaaasam-asam naming lahat.

Dahil na rin sa palaging abala ako sa aking mga trabaho bilang isang public figure -- ang pagiging isang boksingero at Congressman sa distrito ng Sarangani province, kailangan ko ang mga panahong ganito at siyempre, ang pinakamahalaga ay ang panahon na ginugugol ko sa aking mga anak na kadalasan ay naiiwan sa bahay kung ako ay nag-eensayo para sa laban o di kaya ay nasa Kamara o sa lalawigang aking nasasaklaw.

Nakikita ko ang saya sa mga mata ng aking mga anak, ang kanilang kasabikan na makasama ako na kami-kami lang ang namamasyal sa mga tanyag na lugar na pinupuntahan ng mga turista. Kahit ako rin ay nagagalak na makita ang mga bagong tanawin na aking hindi nalasap noong ako ay bata. Masaya ako na ipinalalasap ko sa aking mga anak ang bunga ng aking paghihirap sa ibabaw ng ring.

Masaya ako na sa murang edad ay natututunan ng aking mga anak ang maraming mga bagay na makukuha sa pangingibang-bayan, ang pamamasyal sa mga iba-ibang bansa at ang pakikipagharap sa mga ibang lahi ng tao. Dahil sa naibibigay ko rin ang magandang edukasyon, mas nakakaintindi ngayon ang aking mga anak sa wika ng mundo, mga bagay na aking natutunan nang ako ay medyo nagkakaedad na.

Nagpapasalamat ako sa Panginoon at ibinigay niya sa akin ang lakas at panahon upang maranasan ko ang mga panahong gaya nito at ang pagbibigay niya sa akin ng mga biyaya nang nagdaang taon lalo na noong isang taon kung saan nanalo ulit tayo sa mga laban kontra kina Joshua Clottey at Antonio Margarito.

Malayo na ang aking narating. Kahit sa Japan at Australia, nakikilala na rin ako ng maraming mga tao at gaya ng sa America, hindi maiiiwasan ang mga taong nagpapapirma ng autograph at nagpapa-pose para sa litrato. Salamat po sa inyong lahat sa walang-tigil na suporta.

Hanggang sa Muling Kumbinasyon. God Bless Us All.

* * *

This article is also available at Abante Online.

Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com



Click here for a complete listing of columns by this author.

Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources.

 



 
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring
Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general.
Please send comments to feedback@philboxing.com


PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya
© 2024 philboxing.com.