|
|
|
Walang Tiyaga, Walang Nilaga PhilBoxing.com Thu, 21 Oct 2010 BAGUIO CITY ? Kahit na maulan pa rin at katatapos lang na dumaan ang isang malakas na bagyo dito sa Baguio City, ibig ko sanang ipaabot sa inyo ang isang magandang araw saan man kayo naroroon. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan gaya ng inyong abang lingkod. Kahit na nagsusungit ang panahon, kailangan pa ring ipagpatuloy ang paghahanda sa tinatayang isa sa pinakamahirap kong laban mula nang ako ay magsimulang lumaban sa ibabaw ng ring. Hindi maaaring ipagsawalang-bahala ang makakalaban kong si Antonio Margarito ng Mexico dahil alam kong isa siya sa pinaka-focused na makakaharap ko. Bukod sa siya ang pinakamatangkad sa lahat ng aking nakaharap mula pa noong umpisa, ang timbang para sa nakatayang WBC super-welterweight belt ang pinakamabigat na dibisyon na aking lalabanan, mas mabigat kaysa sa 147-pound limit na aking sinuong nang makalaban ko si Oscar Dela Hoya, Miguel Cotto at Joshua Clottey. Ako na rin marahil ang pinakamaliit na boksingerong lumalaban o lalaban sa catchweight na 150 pounds sa taas kong 5?6 1/2?. Bukod sa hindi na ako naghihinay-hinay sa pagkain ng kung anumang masustansiyang pagkain na aking nanaisin, hindi na ako dumadaan sa proseso ng pagpipiga sa sarili upang makuha ang timbang. Kabaliktaran pa nga. Kinakailangan kong mapanatiling mataas ang aking timbang upang hindi naman lubos na madehado sa salpukan. Si Pernell Whitaker siguro, na lumaban sa welterweight division, ang isa sa pinakamaliit na naging kampeon sa welterweight pero hindi sa mas mataas na super-welterweight division. Kaya naman, puspusan po ang aking paghahanda sa sarili sa anumang paghamon at pagsubok na mararanasan sa aming laban ni Margarito. Sa taas na 5?11? at may habang 73? reach, kailangang sanayin ko ang sarili sa pakikipaglaban kontra sa mga mas matatangkad na sparring partners at hindi ito madali. Upang makamit natin ang karangalan ng paghahangad at pagkopo sa ikawalong world championship sa ikawalong magkakaibang weight divisions, kailangang maging gutom ako sa pagkamit ng titulo dahil alam kong malaki rin ang motibasyon ni Margarito para ako ay talunin. Dahil nahuli siya at pinarusahan at pinaratangan ng marami bilang isang mandaraya sa paggamit ng ?semento? sa kamay, alam kong matindi ang motibasyon ni Margarito upang mabura sa isipan ng marami ang masamang reputasyon na nakaugnay sa kanyang sarili nang labanan niya si Sugar Shane Mosley. At dahil ako ang tinaguriang pound-for-pound best na boksingero, alam kong lahat ng makakalaban ko ay gusto akong talunin. Hindi ko po hahayaan at bibigyan ng pagkakataon ang mga kalaban upang makuha ang titulong iyan mula sa atin. Kaya naman kahit na malamig, basa at mahirap ang training, kailangang magsakripisyo ng mas matindi upang makakapagbigay tayo ng magandang laban. Hindi pa kami dumarating sa pinakamahirap na yugto ng training. Sana, ipagpatuloy po ninyo ang panalangin at suporta. Hanggang sa Muling Kumbinasyon. God Bless Us All. * * * This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |