|
|
|
Halina sa Sarangani PhilBoxing.com Sun, 15 Aug 2010 SARANGANI -- Magandang araw po ulit sa inyong lahat, mga ginigiliw kong kababayan, fans at mga tagasubaybay ng kolum na ito. Sana ay datnan kayo ng mga biyaya at saya saan man kayo naroroon sa lahat ng sulok ng mundo. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan. Araw ng Linggo ngayon at noong isang araw ay lumipad ako kasama ang ilan sa aking mga kapwa Kongresista sa distritong aking nasasaklaw. Inimbitahan ko rin ang ilan sa aking mga kaibigan upang samahan ako na pasyalan namin ang ganda, lasapin ang kasariwaan ng Sarangani. Opo, katatapos lang namin na mag-dive sa bayan ng Maasim kung saan buhay at makulay ang mga corals sa kaibuturan ng dagat. At kung may corals sa pusod ng dagat, sigurado ring naririyan ang mga naggagandahang mga isda at mga laman-dagat na kasiya-siya sa paningin. Kakaiba ang sport na diving dahil sa ilalim ng dagat, mararanasan mo ang kapayapaan at panibagong pagtanaw sa ating mundo. Maganda rin itong exercise para sa akin habang inaayos pa rin ang kontrata para sa aking laban sa November 13. Habang sinusulat ang kolum na ito, wala pa ring nakatakdang lugar kung saan ako lalaban. Mukhang si Antonio Margarito na ng Mexico ang aking makakalaban dahil walang aksyon ang kampo ni Floyd Mayweather na siyang gusto ng nakararami. Kaya naman naisipan ko munang mag-relax at maipakita sa aking mga kasama ang natatagong ganda ng Sarangani na puno ng yamang pangkalikasan. Maliban sa bayan ng Maasim, magandang dive site din ang bayan ng Kiamba kung saan nagmula ang aking pinakamamahal na maybahay na si Jinkee. Bukod dito, pupuntahan din namin ang bayan ng Maitum kung saan buhay na buhay pa rin ang ilog na maaaring sakyan ng raft, kayak at rubber tubes. At siyempre, dahil sariwa ang hangin, malinis ang karagatan at tahimik ang probinsiya ng Sarangani, masarap sigurado ang agahan, pananghalian at hapunan dahil sariwa rin ang pagkain na nanggagaling sa bukid at dagat. Dito sa Sarangani nagmumula ang pinaka-primera klaseng isda gaya ng tuna na kilala sa buong mundo. Kaya naman hinihikayat ko rin ang aking mga kababayan na ingatan at pangalagaan ang ating mga likas na kayamanan na siya nating maipamamahagi pa sa ating mga anak at sa mga susunod na henerasyon. Ang turismo sa Pilipinas ay isa sa ating itinatanging yaman dahil kaya nating tapatan ang ganda ng alinmang bansa sa mundo. Hinihikayat ko ang lahat na huwag sirain ang mga corals na pinagbabahayan ng mga isda. Sana, tigilan na natin ang pangingisda na gamit ang dinamita o mga lason na nakakamatay sa maliliit na isda at sa iba pang laman-dagat. Dahil kung mawawala at mamamatay ang mga bahay ng ating mga isda, mawawala na ang panggagalingan ng pagkain at ikabubuhay ng ating pamilya sa darating na panahon. Ganyan din ang pangangalaga sa kabundukan, ang pagtatanim ng punong-kahoy sa halip ng pagpuputol. Kung aalagaan natin ang kalikasan, tayo ang magwawagi sa huli. Walang baha, walang polusyon, walang gutom at magiging masaya, malusog at bata ang ating mga katawan at pag-iisip. Hanggang sa muling Kumbinasyon. God Bless Us All. * * * This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |