|
|
|
Ika-15 Taon sa Boksing PhilBoxing.com Thu, 28 Jan 2010 LOS ANGELES — Magandang araw po ulit sa inyong lahat, mga ginigiliw kong tagasubaybay, kababayan, fans at mga nagmamahal sa sport na boksing. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan gaya ng inyong abang lingkod na ngayon ay abala ulit sa paghahanda sa susunod na laban. Sa Marso 13, sa kalagitnaan ng America, sa malawak na Cowboys Stadium sa Arlington, Texas, haharapin ko at dedepensahan ang korona ng World Boxing Organization welterweight division kontra sa matibay, malaki at malakas na Afrikano mula sa Ghana na si Joshua Clottey. Habang naghahanda kami kasama ang aking koponan dito sa Los Angeles, California, laban sa hamon ni Clottey, ang boksingerong hindi pa napapasuko ng sinumang nakalaban niya simula’t-sapul nang siya ay lumaban, ginugunita ko naman ang ika-15 taong anibersaryo ng aking pagiging isang professional boxer na sa aking pakiramdam ay parang kahapon lamang. Opo, sobrang bilis ng panahon at napakatagal ko na palang lumalaban sa ibabaw ng ring at kung tutuusin ay tumanda na ako bilang isang estudyante ng sport na ito. Sa loob ng ganitong kahabang panahon, natutunan ko na halos lahat ng mga bagay na dapat malaman at sa ngayon ay malugod akong nakatayo bilang pangunahing ambassador ng sport na ito. Noong January 22, 1995, sa malayong lupalop ng Mindoro Occidental ako po ay nagsimulang lumaban bilang isang 16-taong-gulang na binata at kinailangan ko pang hingiin ang pahintulot ng aking nanay upang ako ay payagang lumaban dahil sa ako ay isang menor-de-edad. Sa paglipas ng 15 taon, nakamit ko na ang halos lahat ng mga biyayang hindi ko inaasahang makakamit ko nang magsimula akong maging isang professional fighter. Hindi ko lubos maisip na sa tagal ng panahon, magiging No. 1 pound-for-pound best fighter ako na kinikilala sa buong mundo. Ni sa mga panaginip noong ako ay bata pa, hindi man lang sumagi sa aking isip na mapapanalunan ko ang pitong world titles sa pitong magkakaibang weight division at makakaharap ko ang mga higanteng noong bata ako ay minsan kong inidolo. Kung kinailangan kong maglagay ng pampabigat sa aking mga bulsa upang makuha ko lang ang timbang noong ako ay bata pa, sa ngayon ay kinakailangan ko pa ring kumain ng bande-bandehadong kanin at pagkain upang hindi ako madehado sa timbang, dahil lumalaban na ako sa 147-pound division na kung tutuusin ay medyo mataas na para sa akin. Kaya ko pa ring lumaban sa 130-pound division pero talagang magiging pahirapan na ang labanan. Nang makuha ko ang 135-pound title, hindi ko inaasahang magiging madali ang pagpapasuko kay Oscar “Golden Boy” Dela Hoya sa 147-pounds, at ang pagkuha sa korona sa 140-pound weight class kontra kay Ricky Hatton. Kasama na diyan ang pagpapanalo natin kontra kay Miguel Cotto, ang dating kampeon ng mga welterweight. Sa gitna ng lahat, ang Diyos na Makapangyarihan ang palaging gumagabay sa atin at ang bawat dasal at suporta ng lahat ng mga naniniwala sa aking kakayahan ang pinagmumulan ng aking lakas. Maraming salamat sa inyong lahat, kasama na ang mga taong nagmamahal sa akin. Gaya ng dati, pag-iibayuhin ko pa rin ang paghahanda at sa aking pakiramdam ngayon, parang ngayon pa lang ako nagsisimula dahil marami pa pala akong dapat matutunan. Sa paglalakbay natin, sana, sama-sama tayong lahat. Hanggang sa muling Kumbinasyon. God Bless Us All. * * * This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |