|
|
|
Babangon Tayong Lahat Muli PhilBoxing.com Thu, 01 Oct 2009 BAGUIO CITY -- Magandang araw po ulit sa inyong lahat mga giliw kong tagasubaybay ng kolum na ito. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan saan man kayo naroroon. Isang mainit na pagbati rin ang aking ipinapaabot sa aking mga kababayan sa Luzon, lalung-lalo na sa mga nasalanta ng trahedyang dumating sa ating mga buhay nitong nakaraang linggo. Papasok na ako sa kalagitnaan ng training para sa napipintong laban namin ni Miguel Angel Cotto ng Puerto Rico sa Nov. 14 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada. Nitong Martes, nagsimula na akong mag-spar kontra sa mga mas malalaking sparring partners na kagagaling lamang mula sa United States. Gaya ng lahat, naapektuhan din ang aking mga sparring partners dahil sa bagyong sumapit sa Pilipinas, si Typhoon Ondoy. Malaki ang nakataya sa labang ito sa Nov. 14 at maraming mga bagay ang nais kong makamit sa laban na ito kaya naman puspusan ang aking paghahanda at sinisiguro kong hindi ako magpapabaya sa laban. Alam kong matindi rin ang paghahanda ni Cotto kaya naman hindi ako nagkukumpiyansa sa training at lalo kong pinag-iibayo ang preparasyon ko. Ngayong araw ay darating naman ang aking promoter na si Bob Arum kasama rin ang crew ng HBO upang kumuha ng mga footages sa training at makita rin nila ang ganda ng Baguio, ang summer capital ng bansa. Kasama rin diyan ang mga kinatawan ng media sa buong bansa at bubuksan namin ang gym upang masilayan ng lahat ang training ko. Humihingi pala ako ng paumanhin sa marami sa inyo dahil talagang mahigpit ang security sa gym dahil na rin sa kagustuhan naming makapag-concentrate sa training kasama ang aking coach na si Freddie Roach at ang aking mga trainers sa sila Buboy Fernandez, Nonoy Neri at Alex Ariza, kasama na rin ang lahat ng mga miyembro ng Team Pacquiao. Susubukan kong bumaba sa Manila sa Linggo upang personal na makita kayong lahat at makapagbigay man lang ulit ng kahit na maliit na saya, dahil alam ko at nararamdaman ko ang inyong pagdadalamhati at kalungkutan sa mga panahong ito. Sa mga nasawi sa bagyong Ondoy, nakikiramay ako sa inyo at sana naman ay maibsan ko ang inyong nararamdaman. Susubukan kong mamigay ng mga pagkain, gamot, tubig, at mga damit sa mga nasalanta ng bagyo at makakasama ko ang aking pangkat. Pipilitin kong puntahan kayong lahat pero dahil na rin sa iisa ang aking katawan, hindi ko maipapangako na makikita ko kayong lahat. Kailangan ko ring bumalik sa Baguio kinabukasan upang ipagpatuloy ang training. Mas lalo akong nasasabik at lalo akong lalaban ng matindi para sa inyong lahat sa kabila ng trahedyang ito upang ang aking pagpapanalo sa ring ang makapagbigay man lang ng maliit na kasiyahan sa inyong lahat. Ipinapanalangin kong sana ay maibalik natin ang sigla ng ating mga buhay kahit sa maliit na pamamaraang ito. Alam kong likas sa ating mga Pilipino ang nakakabangon sa mga pagsubok ng buhay at naririto ako palagi para bigyan kayo ng kasiyahan. Hanggang sa Muling Kumbinasyon. God Bless Us All. * * * Top photo: Flood victims wade through floodwaters brought on by Typhoon Ondoy last weekend in the Philippines. This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |