|
|
|
Tagumpay sa England: Paumanhin sa Aking Mga Kababayan PhilBoxing.com Thu, 05 Mar 2009 LOS ANGELES?Kumusta na po kayong lahat, mga minamahal kong mga tagahanga, kaibigan at mga kababayan. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan saan man kayo naroroon. Special mention po ang lahat ng aking mga kapwa Pilipino at mga fans na nasa England dahil pinataba po ninyo masyado ang aking puso at lalo ko pong nadama ang pagmamahal ninyong lahat. Kalalapag lang po namin dito sa Los Angeles matapos ang isang mahabang biyahe mula sa United Kingdom upang i-promote namin ang laban sa May 2 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas. Katunggali ko po sa laban na ito si Ricky Hatton, isang maginoong mandirigma na tubong Manchester, England. Marami po akong mayayamang ala-ala sa tour na ito at nais kong i-share sa inyo ang magagandang mga pangyayari sa mayamang bansa na ito. Masasabi kong isang matagumpay na promotional tour ang naganap sa UK dahil sa natanggap naming publicity mula sa media at sa mga fans na talaga namang nagdagsaan upang masilayan ang mga kaganapan sa press tour at sa press conference sa London at Manchester. Hindi ko inaasahan ang pagdagsa ng tao, lalong lalo na ang dami ng mga Pilipinong sumuporta sa akin sa dalawang siyudad na pinuntahan namin. Sa Manchester at sa London, hindi po nagpadaig pati ang aking mga fans dahil dumating silang lahat upang ipakita sa buong mundo ang pagkakaisa ng lahat ng mga Pilipino, lalung-lalo na sa ibang bansa. Inaasahan kong magiging matindi ang suporta na dadalhinng mga fans ni Ricky Hatton dahil sa teritoryo niya ang lugar ng mga press tour. Pero hindi ko po lubos maisip na sa England ay magiging patas ang cheering squad at supporters ng bawat kampo. Tinatayang umabot sa anim na libong katao ang dumagsa sa Manchester at hindi naman po sa pagmamalabis, sa tingin ng marami ay naging pantay ang bilang ng mga Pacman fans kontra sa ingay ng mga Hitman fans. Maraming maraming salamat po sa lahat ng mga dumating. Ipinagpapaumanhin ko rin ng lubos ang kakulangan ng oras upang makasalamuha ko kayong lahat, aking mga kababayan. Nakapagpapirma ang ilan at nakapagpakuha ng photos ang marami pero talagang kapos sa oras lang talaga at hindi ko napaunlakan ang lahat. Sana, kung sapat lang o labis ang aking free time, nakapag-usap man lang sana tayong lahat. Dahil na rin sa higpit ng aming schedule, kailangan naming habulin ang isa pang press conference sa London at hindi na kami tumagal pa. Nakakapagod man pero talagang napawi ang lahat sa nakita kong suporta at pagmamahal ng mga tao. Nagpapasalamat din ako kay Ricky Hatton dahil sa kanyang mainit na pagtanggap sa aking koponan at kahit na inaasahang magiging mainit na bakbakan ang magaganap sa May 2, hindi naging kasing-init ang paghaharap namin. Gaya ko rin, si Hatton ay hindi mahilig na magsalita ng mga masasamang bagay upang ibenta lamang ang isang laban. Gaya ko rin, ipinakita ni Hatton na hindi kinakailangan na maging pala-away upang mapansin ng media ang isang malaking laban. Hanggang sa Muling Kumbinasyon. God Bless Us All. Top photo: Hundreds of fans greet Pacquiao in UK. Photo by Chris Farina / Top Rank. * * * This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |