|
|
|
Oras Para sa Pamilya at Sarili PhilBoxing.com Mon, 22 Dec 2008 GENERAL SANTOS CITY?Maraming salamat po sa lahat ng bumati sa akin sa aking birthday nitong nakaraang araw at maraming salamat din sa lahat ng mga dumalo at nakisaya sa aking kaarawan. Siyempre, gusto ko ring pasalamatan ang lahat ng mga taong kumilos at nagbigay ng kanilang malaking pagtulong upang maging matagumpay ang pagdiriwang. Mula sa mga ginawang motorcade sa Kamaynilaan at mga karatig na pook at sa General Santos City hanggang sa party sa Oval Plaza dito sa amin, maraming salamat po sa mga nakiisa sa akin. Pati na rin po iyong aking mga panauhin sa KCC Convention Center sa pangunguna ni Presidente Gloria Macapagal Arroyo, at sa lahat ng mga pangalang hindi ko na mababanggit, thank you very much. Hindi ko man nakasama ang aking pinakamamahal na asawa na si Jinkee dahil sa kanyang pagbubuntis, lubos na ang aking kasiyahan dahil binati naman niya ako at kasama ko rin ang aming mga anak sa sina Jemuel, Michael at Princess. Lubos po akong nagagalak sa inyong mga pagbati, pagsuporta at mga panalangin. Matapos ko pong maidaos ang birthday celebration at parade, pati na rin ang reunion ng mga Pacquiao na aming angkan sa Bukidnon, ako po ay tutungo kasama ang aking mga anak upang samahan si Jinkee at hintayin ang kaniyang panganganak sa huling linggo ng Disyembre o unang linggo ng Enero. Doon na kami magdaraos ng Christmas at New Year. Sa mga panahong ito, importante sa akin na mabigyan ko naman ng malaking oras ang aking mga anak at asawa na kasinlaki rin aking mga sakripisyo ang kanilang mga sakripisyo. Mahirap na palaging wala ako sa tabi ng aking mga anak dahil kinakailangan kong magsanay at maghanda para sa laban. Nangangahulugan na iiwan ko rin sila palagi ng halos kalahati ng taon. Para sa akin, ang Christmas break ay panahon para sa mga bata at panahon upang madanas nila ang aking pagmamahal. Alam kong mabilis ang paglipas ng panahon at marami rin akong panahong dapat gugulin para sa kanila. Sana, maintindihan nila na ginagawa ko ito para sa kanilang magandang kinabukasan upang hindi nila madanas ang hirap na aking pinagdaanan upang maabot ko ang mga bagay na aking nakamit na sa buhay. Minsan, kapag bago ako matulog, naiisip ko ang lahat ng aking pinagdaanan, iyong mga panahon noong ako ay bata pa, noong kami ay halos hindi na napapansin ng lipunan, dahil sa kami ay mga mahihirap na tao lamang. Noon, simple lang din ang buhay ngunit siyempre, kailangan mo pa ring gumising ng maaga upang maghanap ulit ng makakain at pangtustos sa pang-araw-araw na mga pangangailangan. Maraming, maraming salamat talaga sa Panginoong Diyos, para sa mga biyayang kaniyang naibigay sa akin na sobra-sobra na. Kaya naman po, sa mga araw na gaya nito, mahalaga para sa akin na hindi makalimot kung saan ako nanggaling at mabigyan pagpapahalaga ang mga taong nangangailangan. Hindi ko man kayang maibibigay lahat ng pangangailangan ng lahat ng humihingi ng tulong, gagawin ko pa rin ang aking makakaya upang makatulong kahit na sa aking maliit na pamamaraan. Hanggang sa muling Kumbinasyon. God Bless Us All. * * * This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |