|
|
|
HANDANG-HANDA NA ANG LAHAT PhilBoxing.com Thu, 27 Nov 2008 LOS ANGELES?Halos isang linggo na lang ang nalalabing pagtitiis, pag-eensayo at pagpaparusa sa sarili upang mapaghandaan ko ang pinakamalaking pagsubok sa aking boxing career at masasabi kong handang-handa na ang lahat upang sagupain ko si Oscar Dela Hoya sa "Dream Match" sa Disyembre 6, sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada. Handa na ba kayong lahat upang panoorin at saksihan ang laban? Kung ako po ang inyong tatanungin, medyo excited na ako na makipagbakbakan sa tinaguriang Golden Boy ng sport na boxing sa pinakaaabangang laban ng taong ito, o marahil ay sa dekadang kasalukuyan. Mula sa 12 rounds ng sparring noong Sabado, pababa na nang pababa ang bilang ng sparring rounds at sa araw ng Sabado, ako po ay nag-spar na ng 10 rounds upang maitala sa 141 rounds na ang kabuuang bilang. Sa Huwebes, bababa pa ulit ang bilang na ito hanggang sa susulong na kami papuntang Las Vegas sa Lunes, Disyembre 1 kasama lahat ng aking team. Dumarating na paisa-isa at kung minsan ay dagsaan ang aking mga panauhin, pamilya, mga kaibigan at mga taga-suporta at lahat sila ay nagbibigay sa akin ng karagdagang lakas ng loob, talas ng pag-iisip at moral support. Maganda ang aking pakiramdam sa laban na ito at excited na rin ako na ipakita ang galing, tapang, sigla at bilis ng isang Pilipino. Sa kasalukuyan po ay kumakain pa rin ako ng marami dahil napapansin kong napupunta at naibubuhos lahat sa training ang aking kinakain at nagbabawas ako ng timbang na kasingbilis ng pagdating ng laban na ito. Parang kailan lang, may dalawang buwan pa ang nalalabi nang magsimula tayo sa training camp na ito at ngayon, ilang tulog na lang ang hihintayin. Tuloy pa rin ang aking pagtakbo sa umaga kahit na sobrang ginaw at kahit na nagsisimula na ring umulan dito sa Los Angeles, tuloy pa rin ang ensayo dahil alam ko, hindi ako dapat magpabaya. Si coach Freddie Roach, si Buboy Fernandez, Eric Brown, Nonoy Neri at Alex Ariza at lahat ng miyembro ng aking training team ay kapwa na rin nagsisipaghanda sa kani-kanilang mga tungkulin para sa laban na ito na inaasahang makakapagtala ng maraming record sa pay-per-view sales sa larangan ng boxing. Maging ang mga media sa Europa ay nakatutok na rin sa aming laban ni Dela Hoya dahil marami na rin akong mga request na natatanggap para sa sari-saring interview. Inaasahan kong magiging makasaysayan at makabuluhan ang labang ito dahil nagyayabang na si Dela Hoya na nagsasabi na patutulugin daw niya ako sa loob ng limang round. Isa lang ang masasabi ko diyan. Ako rin ay may malaking sorpresa para sa kanya sa araw ng laban at ang aking mga kamao na lang ang magsasalita para sa akin dahil hindi ko gawain na gumawa ng paghuhula kahit hindi pa natatapos ang laban. Sana, ipagpatuloy pa rin ninyo ang pagdarasal at pagsuporta sa akin. Magkita-kita tayo ulit sa Disyembre 6. Hanggang sa muling Kumbinasyon. God Bless Us All. * * * This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |