|
|
|
Pagsalubong sa Bagong Miyembro ng Pamilya Pacquiao PhilBoxing.com Thu, 13 Nov 2008 LOS ANGELES ? Magandang araw po ulit sa inyong lahat, mga ginigiliw kong kababayan. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan gaya rin ng inyong abang lingkod na kasalukuyang nagpapakahirap at nagsasakripisyo sa paghahanda sa laban kontra kay Oscar Dela Hoya sa isang buwan. Kahapon, sa araw ng Martes, ako po ay nag-spar na ng siyam na rounds kontra sa tatlong mga sparring partners. Habang papalapit na sa petsa ng laban ay pahirap na nang pahirap ang aming paghahahanda at hindi po madali ang sumabak sa mas malalaking mga kalaban. Pero kailangang harapin ang ganitong mga pagsubok upang mapanatili natin ang mataas na antas ng training at mapaghandaan ang anumang pwedeng ibato at iharang sa atin ni Dela Hoya na nagpahiwatig din ng kanyang lubos na paghahanda sa Disyembre 6 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada. So far, so good. I feel I'm peaking at the right time and I am about 85 percent ready for the challenge of fighting a bigger and taller opponent. We are getting close to peak condition and I hope to reach the best shape of my life when Dela Hoya and I do battle next month. Sinabayan ko sa laban sina Rashad Holloway na aking kinalaban sa apat na round, nakipagbunuan ng lakas kontra sa bata at wala pang talong si Marvin Cordova sa sumunod na tatlong round, at nakipaghabulan at nakipagbakbakan sa sikat at malakas na si Amir Khan, ang susunod na British superstar sa mga darating na araw at taon. Sa kabuuan, nakapagtala na ako ng 78 rounds ng sparring mula nang simulan naming mag-spar mahigit isang buwan na ang nakakalipas. Hindi nagtatapos diyan ang mga pasakit at alam ko, kailangan kong ibigay ang lahat at todo ng aking makakaya at abilidad upang masorpresa ko si Dela Hoya, ang tinaguriang Golden Boy ng boxing. Kung sakaling magagapi natin ang Goliath ng boksing, ito na siguro ang pinakamalaking achievement ko sa buhay at ito ay habambuhay kong maiaalay sa aking watawat at pamilya. Habang pinag-uusapan natin ang aking handog sa aking pamilya, nais ko po sanang pasalamatan sina Kuya Allan at Cristy Magat ng Los Angeles sa kanilang pag-oorganisa at paghahanda ng isang baby shower nitong Linggo para sa aking susunod na baby. Matagal ko nang kakilala ang kanilang pamilya simula pa noong nagsisimula pa lang akong gumawa ng pangalan sa mundo ng boxing dito sa America. Kasama ang aking butihing maybahay na si Jinkee na pitong buwan nang nagdadalang-tao, naging masaya ang baby shower nang dumating ang aming mga ibat-ibang kaibigan na nag-alay ng mga regalo. Maraming salamat din ng marami kay Mommy Lucing ng Bahay Kubo Restaurant sa Temple Avenue sa Historic Filipinotown sa kanyang paghahanda ng mga pagkain para sa aking pamilya at ng Team Pacquiao. We really had a good time and from the bottom of my heart, Thank You. Ipagpatuloy pa rin po sana natin ang pagdadasal para sa isa't isa. Hanggang sa muling Kumbinasyon. God Bless Us All. * * * This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |