Philippines, 24 Nov 2024
  Home >> News >> Columns >> Manny Pacquiao

 


BOXERS

CURRENT CHAMPIONS 

FORMER CHAMPIONS   

RATINGS                       

NEWS           

FORUM        

FIGHT GALLERIES        

RING CARD GIRLS        


 
 
Columns


 

"Kumbinasyon"

By Manny Pacquiao


PANGUNAHING MISYON SA BUHAY (Part 2)

PhilBoxing.com
Sun, 07 Sep 2008



GENERAL SANTOS CITY ? Magandang araw po sa inyong lahat. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan saan man kayo naroroon.

Gusto ko pong lalong linawin sa lahat ng aking mga tagasubaybay at tagasuporta ang aking pangunahing misyon sa buhay.

Inumpusihan ko noong Huwebes na talakayin ang mga ninanais kong makamit sa aking buhay sa loob at labas ng ring. Totoo po, hindi magwawakas ang misyon ko sa itaas ng ring, bagkus ito lamang ang simula.

Marahil ay alam na ninyo ang aking pinagmulan, na sa awa ng Diyos ay nakaahon ako, kasama ang aking pamilya mula sa kahirapan. Mula sa isang mahirap na panahon ng aking kabataan, lubos po akong nagpapasalamat sa Diyos dahil sa mga biyayang binigay Niya sa akin dahil sobra-sobra na ang mga grasyang aking natanggap.

Hindi lang salapi kundi isang mabuti at magandang pamilya ang aking nalikom at naipundar. Kasama na rin nito ang katanyagan. Alam kong sa Diyos lahat ito nanggaling at alam ko rin na dapat ay ipamahagi ko ang nararapat, ayon sa Kanyang Salita.

Marami ang tumutuligsa sa akin nang marinig nila na ako ay tatakbo sa pulitika dahil marami ang nagsasabi na hindi raw maganda ito para sa akin, na madumi raw ang lahat na nakapalibot sa pulitika. Nirerespeto ko ang mga opinyon ng bawat isa sa inyo dahil iyan ang elemento ng isang tunay na demokrasya, ang marinig ang bawat tinig ng bawat isa at ang kapangyarihan ng nakararami.

Para sa mga taong nakakakilala sa akin, alam nilang lahat na malapit sa puso ko ang mga mahihirap dahil diyan ako nanggaling. Alam ko po kung ano ang pakiramdam ng isang taong nagugutom at alam ko rin kung paano mangarap ang mga kapus-palad. Nakita ko at nakikita ko ang kahirapan sa mga kanayunan at sa tingin ko, marami akong magagawa upang maibsan kahit kaunti ang paghihirap ng aking mga kababayan.

Hindi ko na po kailangan pang sabihin kung ano na ang mga ginawa at ginagawa ko sa kasalukuyan para sa aking mga kapwa dahil hindi maganda at tama na binibilang ang mga magagandang bagay na aking naipundar at naitulong. Sabi na nga rin ng Banal na Aklat, hindi dapat ipinapaalam sa kanang kamay kung ano ang ginagawa ng iyong kaliwa, kung nais mong tumulong ng bukal sa iyong puso na walang inaasahan man lang na kapalit.

Iyan po ang gusto kong mangyari sa aking buhay, ang makatulong sa aking mga kababayan, kahit na tapos na ako sa pagboboksing. Hindi po nagtatapos ang aking misyon sa buhay sa pagwawakas ng aking career sa boksing.

Kaya naman po, sabi ko sa nakaraan kong kolum, gusto kong pumasok sa larangan ng public service o sa tinatawag ng marami na pulitika. Alam ko pong marami ang nandidiri na sa pagbanggit pa lang ng salitang pulitika dahil sa mga bahid at dungis na nakakabit palagi dito.

Kinakailangan ko pa bang magpayaman at kumuha ng salapi galing sa kaban ng bayan? Tanging panahon lamang ang makakapagsabi at Diyos lamang ang nakakaalam, kung ang pagiging public servant ang talagang tawag ng tadhana.

Hanggang sa Muling Kumbinasyon. God Bless Us All.

Top photo: Pacquiao (C) campaigns during the 2007 election.

* * *

This article is also available at Abante Online.

Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com



Click here for a complete listing of columns by this author.

Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources.

 



 
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring
Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general.
Please send comments to feedback@philboxing.com


PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya
© 2024 philboxing.com.