|
|
|
Go For the Gold, Team Philippines! PhilBoxing.com Thu, 07 Aug 2008 MANILA --- Magandang araw po sa inyong lahat. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan saan man kayo naroroon sa mundo. Matapos ang napakasarap na bakasyon naming mag-anak sa Amerika, ako naman po ay tutungo ngayong araw ng Huwebes, sa Beijing, China upang pangunahan ang Philippine contingent sa Olympics na gaganapin sa Biyernes. Masaya at maganda ang naging resulta ng aking biyahe sa Amerika dahil nagkakasundo ang lahat ng miyembro ng aking koponan tungo sa susunod kong laban sa katapusan ng taong ito. Tuwang-tuwa ang aking mga anak sa pamamasyal sa mga theme parks at nagsawa rin sila sa pamimili ng mga laruan at mga damit at iba pang gamit, bukod sa quality time na namagitan sa aming mag-anak, kasama na si Jinkee, ang aking maybahay. Kahit na maraming mga tao ang nakakakilala na sa akin saan man ako tumungo, mas maluwag ang pamamasyal sa Amerika, bagay na hindi namin masyadong nagagawa sa Pilipinas. Sa araw ding ito (Miyerkules sa Amerika), nakatakda ring magkita ang dalawang pinuno ng promotional companies, ang Top Rank Inc. ni Bob Arum at ang Golden Boy Promotions sa pangunguna ni Richard Schaefer upang pag-usapan at pagkasunduan kung posibleng mabuo at maganap ang napipintong laban namin ni Oscar Dela Hoya, ang taong tinatawag na Golden Boy sa mundo ng boxing. Si Dela Hoya, ang dating amateur boxer na nanalo ng ginto sa Olympics, ay tinuturing na isa sa pinakamalaking manlalaro sa sport, hindi lang sa boxing. Ang makaharap siya sa isang laban ay isang karangalan at sana, matuloy ang laban na ito. Sana rin, ang aking pagsali sa parada at paghawak sa bandila ng Pilipinas ay magsilbing inspirasyon sa aking mga kapwa atletang Pinoy. Bukod sa pinansiyal na pabuya na matatanggap ng sinumang Pinoy athlete na magwawagi ng ginto sa Olympics, sigurado akong habambuhay na tatanghaling alamat ng sambayanan ang kung sinumang taong magwawagi ng kauna-unahang gold ng Pilipinas mula nang una tayong sumali noong 1924. Sa aking pagkakaalam, sa loob ng 84 na taon wala pa tayong naitatalang ginto sa anumang sport at ang pinakamalapit na resulta ay ang pagpapanalo natin ng silver medal sa dalawang magkakaibang beses. Tanging sila Anthony Villanueva (1964 Tokyo Olympics) at Mansueto "Onyok" Velasco (1996 Atlanta Olympics) lamang ang may pinakamalaking tsansa na makakuha ng ginto pero talaga namang hindi sila pinalad na makamit ang pinakamatamis na resulta sa Olympics, ang pinakaaasam ng lahat - ang ginto. Pitong bronze medals pa ang naitala ng ating mga kababayan gaya ng nakamit nila Teofilo Yldefonso (1928 Amsterdam , swimming), Simeon Toribio (1932 Los Angeles , athletics), Jose Villanueva, 1932 Los Angeles , athletics), Teofilo Yldefonso (1932 Los Angeles , swimming), Miguel White (1936 Berlin , Athletics), Leopoldo Serrantes (1988 Seoul , boxing), Roel Velasco (1992 Barcelona , boxing). Kasama kayo sa aking panalangin, ang aking mga kapwa atleta, na sana ay makuha natin ang pinakaaasam na gold. Sa pamamagitan ninyo, mas lalo nating mapapabuti ang imahe ng ating bansa. Hanggang sa muling Kumbinasyon. God bless us all. * * * This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |