|
|
|
PARA SA INYO ANG LABAN NA ITO PhilBoxing.com Sun, 29 Jun 2008 LAS VEGAS, NV ? Magandang araw po sa inyong lahat. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan habang binabasa ninyo itong kolum na ito. Alam kong ang iba sa inyo ay medyo apektado pa rin dulot ng pinsala ng isa sa mga matitinding bagyong dumating sa bansa nitong nagdaang linggo. Marahil kasabay sa oras na lalabas na itong kolum na ito sa mga lansangan at sa mga newstand sa araw ng Linggo sa Pilipinas ay kasalukuyan na akong lumalaban para sa World Boxing Council lightweight championship sa Las Vegas, gabi ng Sabado naman dito. Lubos akong naaawa sa mga biktima ng trahedya na dulot ng bagyong "Frank" at nagbigay na ako ng mga instructions sa aking staff sa Pilipinas na tumulong sa ano mang paraan upang makapagbigay ng kahit na panandaliang ginhawa at lunas sa mga pamilya ng mga sinalanta ng bagyo. Alam kong iyong iba ay wala pang kuryente sa mga sandaling ito pero nais nilang mapanood ang aking laban. Ito lang po ang aking masasabi: Para sa inyong lahat ang laban na ito. Gaya ng sinasabi ng lyrics ng aking kanta na kinompose ni Pare Lito Camo, gagawin ko ang lahat para sa inyo, kung ito ang dahilan upang magkasundo tayo. Ito ang tanging paraan? upang magkaisa ang kapwa ko Pilipino. Sa oras ng pighati at kahirapan sa buhay na dinaranas ng aking mga kapwa Pilipino, inihahandog ko sa lahat ang laban na ito na gaganapin sa Mandalay Bay Resort Arena Events Center. Pagbubutihin ko na maipanalo itong laban na ito at kahit na ako ang paborito upang magwagi, hindi ako mahuhulog sa patibong ng pagiging over-confident sa laban. Alam kong ang kakalabanin ko ay ang kampeon ng dibisyon at ako ay umaakyat upang agawin ang kanyang korona. Alam ko rin na hindi madali ang sagupaan na ito dahil pareho kaming nagnanais na manalo. Mahaba at matindi po ang aking ginugol na panahon para sa paghahanda sa laban at gaya ng dati, ginawa ko ang mga maliliit na bagay upang makumpleto ang proceso patungo sa ipagtatagumpay nating lahat. Bago ako lumaban at pagkatapos ng bawat fight, nagpapamisa ako sa loob ng aking kwarto sa The Hotel sa tulong ng Pilipinong pari na si Fr. Marlon Beof na galing pa sa New York, sa East Coast. Sila ang ilan sa mga taong malaki ang naitutulong sa akin upang makumpleto ko ang paghahanda sa pangangatawan, pag-iisip at sa ispiritwal na aspeto ng training at buhay. Maginhawa ang aking pakiramdam at mas madali kong nakuha ang timbang sa pagkakataon na ito dahil ito ang una kong pasok sa 135 pounds na dibisyon. Sa tulong ninyo at ng inyong mga panalangin, magwawagi tayo at sabay-sabay ulit tayong titikim ng mga bunga ng ating tagumpay. Hanggang sa muling Kumbinasyon! God Bless Us All. * * * This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |