|
|
|
HANDANG-HANDA NA AKO PhilBoxing.com Thu, 05 Jun 2008 LOS ANGELES, CA -- Magandang araw po sa inyong lahat. Sana po ay nasa mabuti kayong kalagayan saan man kayo naroroon sa mundo. Tatlong linggo na lang po ang nalalabi bago kami magkakaharap ni David Diaz sa Mandalay Bay Resort Arena at masasabi kong handang-handa na ako para sa laban. Matapos ang mahigit na halos isang buwan ng training dito sa Los Angeles, nasa tamang kundisyon na ang aking pangangatawan at siguro, ito na ang isa sa pinakamainam na training camps ng aking career. Sa boksing, walang madaling training camp kung tutuusin, pero dahil na rin sa suporta ng aking mga kaibigan, team at coaching staff, maayos naming naiwawaksi ang bawat araw na nagdaraan sa aming kampo. Sino ang makakapagsabi na hindi lubos na mapanganib ang buhay ng isang boksingero? Ito na po siguro ang isa sa mga pinakamahirap na trabaho sa mundo. Bukod sa pagsugal ko sa aking katawan at kalusugan sa bawat araw na umaakyat ako ng ring upang magsanay at maghanda, kailangan ko ring isakripisyo ang malaking bahagi ng aking oras kapalit ng hindi ko pagsasama sa aking pamilya. Minsan, kailangan talagang ibaling ang aking atensiyon sa ibang bagay dahil kung hindi, mami-miss ko ng lubos ang aking pamilya. Chess, darts at pagbabasa ng librong Purpose Driven Life ang aking inaatupag sa aking spare time. Naku, kung maaalala ko na naman ang aking asawa at mga anak, ako na naman ay nalulungkot at nasasabik. Araw ng Martes, 10 rounds ulit ng sparring ang aking tinapos. Nakaharap ko ang dati ko pa ring mga sparring partners na sina Noel Rodriguez, Steve Quinones at Roger Gonzales at nasiyahan ang aking coaching staff sa aking pinamalas na bilis at lakas. Marami rin kaming mga plano sa laban depende kung sa ano ang magiging atake, kilos at galaw ni Diaz sa aming sagupaan sa Hunyo 28. We have carefully studied his (Diaz) fighting style. We have seen on film how he attacks as well as how he defends. We are trying to plan and create counter-attacks as well as combinations in order for us to break down his defense and we are quite sure we have covered and dissected his fighting style. Hopefully, my team could finish their assignments so that we will all emerge victorious on June 28. Paiba-iba ang panahon dito sa Los Angeles gaya rin siguro ng hindi normal na takbo ng panahon sa buong mundo. Noong dumating kami noong isang buwan ay malamig ang panahon. Ang sumunod na linggo ay mainit tapos sinundan ulit ng lamig. Kahapon ay medyo malamig pa rin kaya kaunting ingat lang ako sa mga problema na kasama sa hindi magandang panahon gaya ng ubo at sipon. Pagkatapos ng isa pang linggo, papasok na kami sa pinakamahirap na yugto ng training at magiging 12 rounds na ang aking sparring sessions at parami na nang parami ang rounds sa mitts. So far, so good, 'ika nga. Sana, ipagpatuloy pa rin ninyo akong ipagdasal. Kayo rin pong lahat ay kasama sa aking dasal. Hanggang sa muling Kumbinasyon. God bless us all! * * * This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |