|
|
|
Pahirap Na Nang Pahirap PhilBoxing.com Thu, 29 May 2008 LOS ANGELES -- Magandang araw po sa inyong lahat. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan saan man kayo naroroon. Sa pagpasok ng buwan ng Hunyo mga ilang araw na lang mula ngayon, masasabi kong nasa tamang lugar at timing ako at ng aking team tungkol sa paghahanda namin para sa laban sa Hunyo 28 sa Mandalay Bay Resort Arena kontra kay David Diaz. Pahirap na nang pahirap ang training at pataas na nang pataas ang bilang ng rounds ng aking sparring. Kahapon, dumating pa ang isa sa aking makaka-spar upang tulungan ako sa paghahanda laban kay Diaz na sigurado kong naghahanda rin ng todo. Ang nadagdag sa grupo ng aking sparring partners ay si Juan Rodriguez, isa ring kaliwete na tutumbasan ang galing, bilis, galaw at lakas ni Diaz, ang kampeon sa 135-pound division ng World Boxing Council. Noong huli (Lunes), naka-walong rounds na ako ng sparring at sa bawat linggo na dumaraan, paparami pa rin ng paparami ang bilang ng rounds ng sparring hanggang sa aabot ng 12 rounds mga dalawang linggo bago ang laban. Masaya ang aking training camp. Maayos ang aking takbo sa umaga at kasama ko pa ang aking asong si Pacman kung minsan na umaakyat sa bundok at tumatakbo rin siya sa park sa umaga. Nakakatuwa itong aso ko dahil madali siyang turuan ng tricks dahil siguro bata pa siya. Kasama ko rin sa pagtakbo si Vernie Torres, isa sa aking mga kababatang boksingero noong nagsisimula pa akong magboksing sa amateurs sa General Santos City. Maayos ang aking pagkain dahil magaling na cook ang isa sa mga assistant trainers. Si Raides "Nonoy" Neri, tubong Davao, ang umaasikaso sa aking nutrition at sinisiguro niya na tama ang aking protein, carbohydrate and vitamins intake na nakukuha sa pagkain. Si Buboy Fernandez naman ay maganda ang pakikisama niya kay coach Freddie Roach kasama na rin si Eric Brown na tumutulong sa calisthenics. Iyong kapatid ni Buboy na si Roger ang umaalalay sa lahat ng gawain sa bahay at sa paghahanda ng mga gamit para sa training. Kumpleto ako sa mga kaibigan at mga taong nagmamalasakit sa akin. May mga nagmamaneho para sa akin, mayroon din akong sariling abogado, tagapagsaliksik at sekretaryo at iyong umaasikaso sa mga gawaing pang-opisina. Mayroon ding regular na nagmamasahe sa aking pagod na katawan dala ng pang-araw-araw na trabaho sa itaas ng ring. Malaki na rin ang pagbabago ng aking buhay mula noong ako ay nagsisimula pa lang na sumikat sa boksing. Dati, si Buboy lang ang gumagawa ng lahat, laba, luto, bili ng pagkain, mag-aayos ng mga gamit. Nakatira lang kami sa isang motel sa tabi ng gym at kung minsan, talagang napupuno ng tao ang maliit naming silid. Ngayon, medyo maayos na rin ang lahat, pati ang apartment na aking tinitirahan. Gayunpaman, mahirap pa rin ang buhay ng isang boksingero. Walang nagbago sa aking buhay at sa aking pananaw sa pang-araw-araw na gawain. Sa bawat oras, sinusugal ko ang aking buhay at ang aking kalusugan. Sa tulong ng Poong Maykapal, nakakaraos din ako sa bawat pagsubok. Sa huli, tayong lahat ay magwawagi. Hanggang sa muling Kumbinasyon. God Bless Us All. * * * This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |