Philippines, 25 Nov 2024
  Home >> News >> Columns >> Manny Pacquiao

 


BOXERS

CURRENT CHAMPIONS 

FORMER CHAMPIONS   

RATINGS                       

NEWS           

FORUM        

FIGHT GALLERIES        

RING CARD GIRLS        


 
 
Columns


 

"Kumbinasyon"

By Manny Pacquiao


Uunahin Ang Dapat Unahin

PhilBoxing.com
Sun, 27 Apr 2008

GENERAL SANTOS CITY ? Magandang araw po sa inyong lahat. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan sa pangangatawan, pag-iisip at sa ispiritwal na aspeto ng inyong buhay.

Marami sa aking mga fans at mga kaibigan ang biglang nag-alala nang malaman nila na parang hindi ako naghahanda at seryoso sa susunod kong laban sa June 28 dahil akala nila, inuuna ko pa ang mga commitment ko at iba't-ibang mga dapat gawin sa aking buhay gaya ng aking pag-aaral at iyong isang biyahe namin sa China.

Mahirap din po na ang mga maraming bagay-bagay na nangyayari sa aking paligid at sa aking career ay kung minsan ay dapat ko pang i-explain o mabigyan-linaw. Kung minsan, mahirap na lang sabihin na marami ring mga bagay ang dapat hindi muna nilalabas sa media gaya ng mga detalye ng aking kontrata sa aming laban ni David Diaz. Hanggang ngayon ay tinatapos pa po ang mga final na nilalaman ng kasunduan sa aking susunod na laban.

Lingid sa marami, nagsimula na po ako sa aking light workouts dito sa General Santos City habang tinatapos ko rin ang aking pag-aaral. Seryoso po talaga ako na matapos ko itong mga subjects ko dahil pagdating ko sa Los Angeles, wala na ring makakapigil sa akin na mag-ensayo ng puspusan at buong puso.

Siguro, ganyan talaga ako at ang aking pagkatao, na kung may gusto akong abutin at matamo sa buhay, ibinubuhos ko ang lahat ng aking makakaya upang makamit ang anumang aking gustong naisin. Kahit na itong pagsusulat ng kolum ay binibigyan ko rin ng oras dahil alam ko, marami ang mga sumusubaybay sa aking kolum dahil marami ang gustong makaalam sa kung ano ang nangyayari sa aking buhay. Mahalaga po sa akin ang lahat ng aking fans kaya heto, tinatapos ko ang kolum na ito kahit na very busy ang schedule ko.

Sang-ayon naman ang aking team na hindi naman gahol ako sa oras kung magre-report ako for training sa May 10 sa Wild Card gym. Bale kung bibilangin, pitong linggo po lahat ang aking gugugulin para paghandaan ang American- Mexican na si David Diaz, ang kampeon ng WBC lightweight division.

Tumatakbo po ako sa umaga, minsan naglalaro ng basketbol sa hapon, upang ibalik ang hangin sa aking baga. Hindi naman kinakailangan na magsimula na ng heavy training dahil walang maibibigay na maganda ang ma-overtrain ang isang atleta. Mas mahirap po kapag nasobrahan ang ensayo.

Sa aking karanasan, ang anim hanggang walong linggo ay nagiging sapat na rin upang matamo ang maayos na kundisyon. Dahil sa aakyat ako ng timbang, hindi na ako lubos na mahihirapan sa pagkuha ng 135 pounds sa araw ng laban dahil sanay na ako na lumaban sa 130 pounds.

Totoo po, hindi na ako tutuloy muna sa isang trip sa China dahil marami ring oras ang dapat gugugulin doon. Makakapaghintay din ang trip na iyan, pagkatapos na siguro ng laban ko.

Congratulations nga po pala sa susunod na Armed Forces of the Philippines Chief of Staff na si Lt. Gen. Alexander Yano. Effective May 8, siya na ang mamumuno sa AFP. Siya po ay isa sa aking malalapit na kaibigan, supporter at siyempre, pinuno ng Philippine Army kung saan ako ay isang master sergeant. Congratulations po ulit, sir!

Hanggang sa muling Kumbinasyon and may God bless us all!

* * *

This article is also available at Abante Online.

Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com



Click here for a complete listing of columns by this author.

Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources.

 



 
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring
Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general.
Please send comments to feedback@philboxing.com


PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya
© 2024 philboxing.com.