Philippines, 08 Oct 2024
  Home >> News >> Columns >> Manny Pacquiao

 


BOXERS

CURRENT CHAMPIONS 

FORMER CHAMPIONS   

RATINGS                       

NEWS           

FORUM        

FIGHT GALLERIES        

RING CARD GIRLS        


 
 
Columns


 

"Kumbinasyon"

By Manny Pacquiao


TSISMIS: National Pastime

PhilBoxing.com
Sun, 13 Apr 2008

BORACAY -- Magandang araw po sa inyong lahat. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan.

Kahapon po, Sabado at ngayon, Linggo, break ko po sa kolehiyo (Notre Dame College of Dadiangas), kung saan puspusan ang aking pag-aaral habang inaayos ang kontrata ng susunod kong laban, malamang ay kontra kay David Diaz ng Chicago, isang lightweight na ang angkan ay galing sa Mexico.

Nandito po ako ngayon sa paraiso ng Boracay Westcove, kung saan ako ay nagre-relax kasama ang aking mga mahal sa buhay. Sobrang masarap dito dahil presko ang hangin at hindi masyadong matao. Presko din ang pagkain at talagang mawawala ang lahat ng pagod ng katawan at isipan.

Marahil nagtatanong po kayo kung bakit ganyan ang title ng aking column ngayong araw na ito. Mangyari ay dumaan ako sa website na www.mannypacquiao.ph dahil may nakapagsabi sa akin na nag-aaway daw ang mga fans. Napansin ko nga iyong isang talakay, ang topic nila ay kung ako nga ba daw ang nagsusulat ng column ko.

Gusto ko sanang mainis pero nagawa ko na lang tumawa dahil sa mga sari-saring kuru-kuro ng mga nagsusulat sa forum.

May nagsasabi na hindi daw ako ang nagsusulat. May nagsasabi na ipinasusulat ko ang column ko kay Jake Joson o Jeng Gacal, mga kapwa ko kaibigan at miyembro ng staff ko sa Pilipinas. May nagsasabi na idinidikta ko lang ang topic sa isa sa kanila. Marami pang mga haka-haka, tsismis at hula kung sino nga ba talaga ang sumusulat.

May mga kumukutya rin sa aking English dahil mahina raw ako sa grammar at nagi-English pa daw ako. May nagsasabi rin na dapat ay huwag na lang daw i-edit ang article dahil mas gusto pa nilang nababasa ang mga mali. Bakit? Para may pagtawanan sila? Para may kutyain? Para may insultuhin? Para may punahin lang?
Ganyan ang mga ilan sa atin eh, mahilig pagtsismisan ang kanyang kapwa, na para bang libangan ang tsismis.

Minsan, kapag ilalagay ko lang lahat ng ito sa aking utak, lahat ng sinasabi ng mga fans na kung minsan ay walang magawa, masisira lang ang araw ko.

Sometimes, when I say something in English, people think that I am not the one who is doing it. I guess that saying is really true: You can never please everyone. Hindi mo pwede pasayahin ang lahat kahit na ginagawa mo ang iyong makakaya, kahit na kung minsan ay itinataya mo na ang iyong buhay para sa kapwa mo Pilipino.

Wala po akong intensyon na manloko ng tao kung iyan ang gustong palabasin ng ilan sa aking mga fans. Nagsusulat ako ng kolum dahil gusto kong abutin at ipaabot sa aking mga fans ang nais kong sabihin, ang galing sa aking puso.

Inaamin ko na marami pa akong dapat malaman at pag-aralan. Hindi po ako perpekto at ako ay tao lamang na nagkakamali rin.

Natatawa na lang din ako dahil sa America, walang pakialam ang mga tao sa grammar. Kasi, kahit na itim o puti sa America, sira-sira rin ang grammar nila. Basta nagkakaintindihan, ayos na!

Naaalala ko nga noong huling press conference sa laban namin ni Juan Manuel Marquez sa House of Blues sa Mandalay Bay. Hindi po iyong speech ko ang pinalakpakan ng pinakamalakas ng lahat. Ang boxer na nagsalita ng inyong tinatawag na "carabao" English ang binigyan ng umaatikabong pinalakpakan. Hindi ko na rin babanggitin kung sino iyong Pinoy boxer na iyon. Pinalakpakan siya dahil baluktot ang kanyang English. Humanga ang lahat dahil kahit na ganunpaman ang salita niya, naintindihan ng lahat ang kanyang mensahe at nagsikap siyang itawid ang nasa isip niya sa lahat.

Hindi ko na po sa inyo sasabihin ang aking mga grado sa unang semester ng college dahil sasabihin lang ninyo na gawa-gawa rin lang ito ng aking mga propesor sa kolehiyo, na kung anu-ano pa ang magiging tsismis na bunga ng impormasyon na ibibigay ko. Mabuti na rin kung minsan na iilan lang ang nakakaalam.

Masakit man sa loob ko ang mga sinasabi ng ilang mga kababayan natin tungkol sa akin. Ipinagdasal ko nalang sila at ang mahal na PANGINOON nalang ang syang bahala sa lahat. Dahil alam kong hindi natutulog ang DIYOS kaya nga ako nagtagumpay sa buhay ko dahil hindi ako marunong makialam sa buhay ng iba at lahat ay lagi kong inaalay sa Kanya. Hiling ko po sana sa lahat ng tao lalong-lalo na sa aking mga kababayan na magkaroon po sana tayo ng takot sa Panginoon.

Hanggang sa muling Kumbinasyon and GOD BE WITH YOU ALL.

* * * * *

This article is also available at Abante Online.

Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com



Click here for a complete listing of columns by this author.

Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources.

 



 
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring
Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general.
Please send comments to feedback@philboxing.com


PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya
© 2024 philboxing.com.