|
|
|
DUMATING NA ANG ORAS! PhilBoxing.com Sun, 16 Mar 2008 LAS VEGAS -- Dumating na po ang oras na ating pinakahihintay at pinaghahandaan. Ako po ay nasa pinakamabuting kundisyon at sana, kayo rin. Halos apat na taon ang ginugol upang muli kaming makapagharap ni Juan Manuel Marquez para paglabanan ang isa sa mga pinakamalaking korona at titulo sa super-featherweight division nitong nagdaang dekada. Sa Marso 15 (Marso 16 sa Pilipinas), wawakasan na namin ni Marquez ang isang yugto ng aming career sa Mandalay Bay Events Center sa Las Vegas. Handa na po ako upang sumabak sa taas ng ring, dala ang lahat ng inyong mga pangarap at mga adhikain. Handa na po ako upang asamin, kopohin at ialay sa inyong lahat ang World Boxing Council super-featherweight belt at ang Ring Magazine "People's Champion" title. Handa na ang aking katawan bunga ng mahigit na dalawang buwang paghahanda. Matalas ang aking pandama at malinaw ang aking pag-iisip. Mataimtim at matibay ang aking pananalig sa Diyos kaya masasabi kong wala na akong pangangamba sa laban na ito. Para sa inyo ang laban na ito. Para sa inyong mga kababayan ko, para sa inyong mga minamahal ko, para sa bansa ko itong pagbubuwis ko ng pagod, pawis at dugo. Ang nasa isip ko ngayon ay ang pagpapanalo sa laban kontra sa Mexicano na tumabla sa akin noong huli kaming nagkaharap. May mga bagay-bagay na ginawa kami upang hindi na maulit ang mga maliliit na pagkakamali noong nakabangon pa si Marquez sa unang round kung saan siya ay bumagsak ng tatlong beses. Malaki na ang pagbabago ng aking buhay mula noong 2004. Malaki na rin ang asenso ng aking style mula nang ako ay magsimulang magboksing. Sa tingin ko, nag-mature na ako bilang isang boxer at fighter at mas maayos na ang aking depensa pati na rin ang pagdagdag ng iba pang mga estilo sa aking mga suntok, lalung-lalo na sa aking kanang kamay. Sa tingin ko, hindi na sikreto na sa pagdagdag ng lakas at bisa sa aking kanang kamay, mas naging mahirap para sa aking mga kalaban ang paghandaan ang aking kaliwang straight punch na isa sa mga pinakamabisa at malakas kong suntok. Habang sinusulat ko itong column kong ito, ako po ay unti-unting lumilikom ng lakas dahil galing ako sa pagre-reduce ng timbang. Dumating na rin ang aking kaibigan na pari mula pa sa New York na si Fr. Marlon upang magmisa sa umaga bago ako sumabak sa taas ng ring, isang magandang paghahanda namin sa spiritual na aspeto ng aking pagkatao na naging tradisyon ko na bago lumaban. Sana po ay ipagdasal natin ang isa't-isa para lahat tayo ay makarating ng sabay-sabay sa ating minimithing paroroonan. Mahirap po ang laban na ito kontra kay Marquez pero walang imposible kung sama-sama tayong kumikilos patungo sa iisang direksyon. Kung iisa ang ating goal sa buhay at walang kumukontra at sumasalungat sa iisang agos, mas madali nating makakamit ang tagumpay. Mas magaan ang pagpapanalo kung lahat tayo ay maniniwala na kaya ng Pilipino na umangat mula sa kahirapan. Kaya naman po, sana ipagdasal ninyo na ako ay magwagi sa laban na ito at wala sa aming dalawa ang mapipinsala o masasaktan ng malubha. Hanggang sa muling Kumbinasyon! God bless us all. Top photo: WBC World Super Featherweight Champion Juan Manuel Marquez (left) and challenger Manny Pacquiao (right) pose following the weigh-in for their world title fight on Saturday, March 15, 2008 at Mandalay Bay Resort & Casino in Las Vegas, Nevada in a bout which will be televised by HBO Pay-Per-View. HoganPhotos.com / Golden Boy Promotions. --------- This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |