|
|
|
Mahalaga Ang Buhay PhilBoxing.com Sun, 10 Feb 2008 LOS ANGELES -- Magandang araw po sa inyong lahat. Patindi na nang patindi ang ginagawa naming paghahanda para sa susunod kong laban kontra kay Juan Manuel Marquez sa March 15. Limang linggo na lang at bakbakan na! Itong laban na ito ang isa sa mga pinakamahalaga para sa aking career dahil malaki ang nakatayang karangalan dito, bukod pa sa koronang tangan ng Mexicano na pilit kong inaasam na makamit. Dahil nagtabla kami noong una kaming nagkaharap, importante sa akin na tapusin sa isang panalo ang "Unfinished Business" namin na gaganapin sa Mandalay Bay Resort Hotel sa Las Vegas, Nevada. Lahat ng bagay na kinakailangan ay aking ginagawa upang matiyak ang tagumpay. Itinataya ko ang aking buhay sa bawat pag-akyat ko sa ring dahil ganito talaga ang buhay ng isang boksingero. Sumasabak kaming mga boksingero upang harapin ang matinding panganib sa bawat pagkakataon. Sa sparring, tinatanggap namin ang matitinding suntok ng kaispar at kapag hindi ka naging maingat, malapit ka sa injury o sugat. Sa isang malaking pagkakamali, maaaring mapunta sa panganib ang iyong buhay at kalusugan. Minsan, ang kapansanan ay nagiging permanent kung ikaw ay mapupuruhan. Masakit mang aminin, ang trabaho kong ito ang isa sa mga pinakamapanganib, kung ikukumpara sa anumang trabaho. Iilan lang na mga boksingero ang pinapalad na maging kampeon. Iilan din ang mga nagiging dalubhasa sa boksing. Tinuturo sa iyo ang pag-ilag at pagsalag sa mga suntok. Kailangan mo rin iwasan na ikaw ay makakatanggap ng malalakas na tama lalung-lalo na sa ulo at katawan habang nagbibitaw ka rin ng sarili mong suntok sa kalaban. Nabalitaan ko mula dito sa aming training camp sa Los Angeles ang pagkamatay ng isang Pilipinong boksingero na si Alex Aroy. Hindi ko man siya nakita at nakilala ay nalulungkot din ako dahil isa siyang miyembro ng aming maliit na komunidad. Si Aroy ay sinamang-palad at pumanaw na sa mundo. Wala na rin tayong magagawa upang maibalik ang kaniyang buhay. Ayon sa mga balitang aking nakalap, nahirapan sa pag-ihi si Aroy matapos siyang matalo sa laban. Hinihintay pa ang autopsy report kung ano talaga ang sanhi ng pagpanaw niya. Nakikiramay po ako sa mga naulila ni Alex. Walang tao ang gustong masaktan o tumanggap ng parusa sa ring. Iilan lang ang mga boksingerong nakakapag-retire na malusog at ito ang mga mapapalad. Marami sa amin ang nalimot na ng panahon. Marami ang tumatanda at napipilitan na lang na isabit ang gloves at maghanap ng trabaho kung saan man mapadpad. Ganyan ang mapait na sinasapit ng mga kagaya kong boxer. Minsan, kahit na iyong mga dating kampeon ay namumuhay din sa kahirapan matapos malasap ang tagumpay at kaunting yaman. Iba-iba ang aming kwento, iba-iba ang aming sinapit. Nakakapag-isip din ako sa mga ganitong nangyayari sa buhay. Dahil sa mga ganitong pangyayari, nakukuha kong isipin na ang buhay ay mahalaga, na bawat magandang pagkakataon ay dapat na tinatanggap at bawat biyaya ay dapat na pinagpapasalamatan at pinag-iingatan. Hanggang sa muling Kumbinasyon! This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |