|
|
|
Goodluck sa 2008; Goodluck kay Z Gorres PhilBoxing.com Thu, 31 Jan 2008 LOS ANGELES -- Magandang araw po sa inyong lahat. Marami ang nagsasabi na ang bagong taong 2008 ay maswerte. Naniniwala po ako na bawat taon ay biyaya. Marami ang hindi nakakaunawa na sa totoo lang, bawat araw na lumilipas sa ating buhay ay grasyang kaloob ng Diyos, kaya walang malas na taon, kung tutuusin. Noong 2007, maraming mga boksingerong Pinoy ang nakilala, sumikat at nagbigay-dangal para sa ating bayan sa pamamagitan ng pagwawagi sa itaas ng ring. Naaalala ko, mga apat na taon mula nang makuha ko ang Ring Magazine featherweight People's Champion belt mula kay Marco Antonio Barrera noong 2003 at nang magtabla kami ni Juan Manuel Marquez sa sumunod na taon sa una naming pagsasagupa, halos mangilan-ngilang boksingero ang sumubok at nagtangka na lumabas ng bansa at sumubok ng kanilang galing. Naaalala ko nga na noong 2004, nang ako ay naghahanda pa para sa laban namin ni Marquez, isa sa mga boksingerong kasama namin ay si Z Gorres ng Cebu. Sama-sama kami sa hirap at ginhawa, sa loob ng isang maliit na motel sa tabi ng Wild Card gym. Ang kababata kong kaibigan at assistant trainer na si Boboy Fernandez lang ang palaging umaalalay sa akin. Siya ang gumagawa ng lahat ng gawaing-bahay at naghahanda ng lahat ng aking mga gamit sa training. Nakakatuwang balikan iyong mga araw na nakalipas, kung saan medyo simple pa ang buhay at hindi gaanong karami ang aking kaibigan at tagahanga. Minsan, kapag mamamasyal ang aming mga kaibigan, hindi mahulugang-karayom ang Room 120 ng motel na palagi naming ginagamit. Siksikan minsan, pero masaya pa rin. Unti-unti, mula nang naayos ko ang mga gusot sa aking buhay, nakumpleto namin ang samahan ng aking team at ngayon ay medyo madali na ang training dahil marami na rin ang tumutulong. Si Boboy ay nakaka-concentrate na sa pag-train sa akin habang iyong isa pang trainer na galing ng Pilipinas na si Nonoy Neri ang gumagabay din sa pagluluto ng masasarap na pagkaing-Pinoy na siyang nagpapalakas sa aking katawan. Si Pareng Nonoy ay isang expert cook pero magaling din na trainer. Marami nang nadagdag na mga tao sa aking paligid mula noon, ang bawat isa ay may kakayahan sa iba-ibang larangan. Hindi ko na muna iisa-isahin ang kani-kanilang pangalan dahil masyadong marami sila. *** Sana, suportahan natin si Z Gorres sa kanyang susunod na laban sa Pebrero 2, kalaban niya si Vic Darchinyan ng Australia sa Waterfront Hotel sa Cebu. Sayang at medyo kinapos lang si Gorres nang matalo siya sa split decision laban kay Fernando Montiel ng Mexico. Marami ang nagsasabi na iyon sana ang malaking break ni Gorres upang maging world champion pero iba ang nakita ng mga judges. The judges' decision is always final, sabi nga nila. Ito ang tsansa ulit ni Gorres na makabalik pero alam ng marami na malakas itong si Darchinyan. Gayunpaman, naniniwala ako sa kakayahan ng Pilipino sa kanyang bawat pagsabak sa ring. Alam ko ang kakayahan at puso ng Pinoy at alam ko na isang magandang laban ang ipapakita ng mga boxers sa taong ito, kasama na iyong maraming sumisibol na talent. Good luck sa ating lahat. Magsikap na mabuti, magsikap sa training at magtrabaho nang husto. Samahan ng taimtim na pananalig sa Poong Maykapal at diyan nagsisimula ang good luck! Hanggang sa muling 'Kumbinasyon.' This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |