|
|
|
'HUWAG MABULAG SA TAGUMPAY' PhilBoxing.com Sun, 27 Jan 2008 LOS ANGELES ? Magandang araw po sa inyong lahat! Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan. Matatapos na namin ang ikalawang lingo ng training dito sa L.A. and so far so good. Kahit na tatlong araw na sunud-sunod ang pag-ulan, wala pa ring hinto ang ensayo para sa paghahanda natin sa laban sa March 15, kontra sa kampeon ng WBC na si Juan Manuel Marquez ng Mexico. Doon po sa mga hindi pa nakakaalam, nagtabla kami ni Marquez noong 2004 at mula noon, hindi pa nagkakasalubong muli ang aming landas upang tapusin ang yugto ng aming "Unfinished Business." Marami na ang nangyari sa aking buhay mula noong 2004. Karamihan nito ay para sa ikinabuti ng aking career bilang isang atleta, entertainer at mabuting mamamayan ng Pilipinas at ng mundo. Marami nang nagbago sa aking career. Sa ngayon, sa tulong ng mga taong nagmamalasakit sa akin, naiahon ko ang aking career mula sa maraming problema na aking hinarap. Marami ring mga taong umaaligid na nagpapanggap na bilang mabubuting kaibigan ngunit nagpapakita lang ng mga pansariling interes. Marami akong mahihirap na desisyon na ginawa upang maisaayos ko ang aking buhay. Hinarap ko ang isa kong promoter sa korte dahil alam ko, nadaya ako sa maraming bagay. Nagwagi naman ako sa ipinaglaban kong prinsipyo. Dumaan na ako sa tatlong management teams at ngayon ay ako na ang nagma-manage ng career ko. Nalaman at nabasa ko nga iyong problemang hinaharap ng isa sa ating mga world champions na si Florante Condes at naalala ko iyong mga pinagdaanan kong pagsubok. Kadalasan, nagbabago ang takbo ng buhay ng tao kapag siya na ay nagtamo ng kaginhawaan at tagumpay. Minsan, hindi natin masisisi ang tao. Nabalitaan kong malaki ang hinaharap na problema ni Condes dahil marami na ring tao ang nakialam sa kanyang career. Alam kong kumalas na siya sa kanyang manager na si Aljoe Jaro at ang kanyang asawa. Alam ko rin na may ginawa ring aksiyon ang Games and Amusements Board (GAB) upang iresolba ang isang pribadong problema. Maraming mga problema ang nag-uugat sa hindi pagkakaunawaan at sa hindi pag-uusap at kadalasan, nauuwi ito sa mas malaking problema. Pumirma ako ng kontrata sa aking mga naging managers na sina Leopoldo "Polding" Correa, Marty Elorde at Sheldon Finkel at sa lahat ng ito, tinapos ko ang aking kontrata, kahit na minsan ay nakikita kong mas tama na ang kumalas. Likas sa ating mga Pilipino ang tumanaw ng utang na loob. Walang masama doon. Upang lalong umunlad, kailangan talagang lumingon sa pinanggalingan. Dapat marunong magpakumbaba. Dapat hindi mabulag sa tagumpay at sa taas ng inabot. Wala akong pinapanigan sa ngayon sa away o hindi pagkakaunawaan nina Condes at Jaro at sa mga taong nakialam sa kanilang mga kontrata, kasama na ang GAB sa pamumuno ni Chairman Eric Buhain at sina Dante Ortiz at Morris East. Ito ay isang complicated na bagay na dapat na himayin nang mabuti. Sa aking pagkakaintindi, may mga desisyon na na nagawa ang GAB upang wakasan ang gulo. Nalaman ko rin na gumawa na rin ng desisyon ang GAB na hindi man lang nakausap si Jaro na siyang nagpundar ng lahat upang maging kampeon si Condes. Walong taon na inalagaan ni Jaro si Condes, simula pa noong siya ay bata at nag-umpisang magboksing. Sa aking pagkakaalam, may nalalabi pang ilang taon sa kanilang kontrata bago naisipan ni Condes na kumalas. Hindi ko pa rin naririnig ang panig ni Condes kaya hindi pa ako makapagbigay ng tama at wastong opinion. Dapat ingatan ang mga boksingero at lahat ng mga atleta ng bayan na nagbibigay ng karangalan para sa bansa. Lalung-lalo na an gating mga kampeon, sila ang dapat na mapaghandugan ng malaking suporta. Ako ay handing tumulong sa mga kapwa ko atleta kaya lubos na lamang ang aking tuwa noong naging kampeon muli ang kumpare kong si Gerry Penalosa. Sa huli, sila ang nagtatayo at nagtatas ng ating bandila sa buong daigdig! Maraming mga bagay ang nalulutas sa tamang pag-uusap. Dapat ding itama ang mga maling desisyon kahit na medyo huli na ito. Payo ko lang: Sana hindi na umabot sa hindi maganda ang mga bagay na maaari pang ibalik at ayusin. Hanggang sa susunod na Kumbinasyon! This article is also available at Abante Online. Send your comments to Manny Pacquiao at mannypacquiao@abante-tonite.com Click here for a complete listing of columns by this author. Click here for a complete listing of this author's articles from different news sources. |
|
PhilBoxing.com has been created to support every aspiring Filipino boxer and the Philippine boxing scene in general. Please send comments to feedback@philboxing.com |
PRIVATE POLICY | LEGAL DISCLAIMER
developed and maintained by dong secuya © 2024 philboxing.com. |